Photo Credits: Alex Asc |
Ano ang tinatago ng isang Meicy Acio bukod sa punong-puno siya ng nunal sa mukha?
Umupo ako sa isang silya, sinandal ang likuran ko bago inangat ang aking ulo upang iharap ang kinatatakutan kong makita. Sabi nga ng Lola Antang kong pumanaw na, 'Face your fear'.
Nakikita ko ngayon ang sarili kong repleksiyon sa salamin.
Ayoko nang umiyak. Ayoko nang matakot sa sarili kong mukha kahit maraming mga itim na tuldok ang sakop, tanda ng panunukso sa akin ng mga tao. Lalo na si Irish, ang numero unong manlalait at pinapansin lagi ang hitsura ko.
Sabi pa raw niya, bakit hindi ko raw subukang mag-audition sa mga horror movie? Tiyak daw maraming tatanggap sa akin bilang nakakatakot na nilalang. Maraming mag-aagawan na producer para ako ay kunin at gaganap na aswang. Tatak daw ang mukha ko sa mga tao kapag daw napanood nila ako.
Eh, paanong tatatak? Ibig ba niyang sabihin, katatakutan?
Palibhasa, sexy lang siya at pinagpala ang kaniyang mukha.
Sawa na ako sa pang-aabuso at ginagawa nila sa akin sa tuwing papasok ako ng school. Inaapi at kinukutya na walang halong awa akong nakikita sa kanila.
Umiling-iling ako sa mga naiisip ko na iyon. Namumuo na naman ang tubig sa aking pares na mata. Hindi ito puwede, kailangan kong lumaban! Hindi na ako magpapagapi sa mga tawanan nila.
Bago pa man tumulo ang luha ko ay pinalis ko na iyon. Magpapaganda ako ngayon at bukas na bukas, makikilala nila ako bilang...Irish Potterson at hindi na si Meicy Acio na isang talunan.
Narinig ko ang pagkatok sa aking kuwarto at bumukas ang pinto. Pumasok dito si mama para alalahanan ako.
"Anak, matulog ka na bago ka pa mahuli sa school mo bukas."
"Opo, mama. Tatapusin ko pa po ito."
Lumabas na si mama sa aking kuwarto at bumaling ako sa salamin na tinugunan ang pagkangisi ng labi sa sariling repleksiyon.
---
Ang buong akala ng lahat pagkapasok ko sa aming klase ay ako si Irish.
Bumungad sa akin ang dalawa niyang alipores na si Jelay at si Criselda.
Kung ano-ano agad ang mga sinabi nila sa akin kung anong new twist daw ang gagawin nilang trip pagkapasok ni Meicy, hindi nila alam na ako iyon.
Ngisi lang ang sinagot ko sa kanila at saka sinang-ayunan. Sinasakyan ko lang sila upang hindi halata ang pagpapanggap ko.
"Paano kaya kung pagpasok ni Nunal, may timba sa itaas ng pintuan ng room na may lamang ihi?" suggestion ni Jelay tapos tumawa pa ang bruha.
"Bulok na iyan, girl, how about may lamang ihi with matching dumi na lang ng kaya ng tao?" dagdag ni Criselda. Mas lalong tumawa ang dalawang bruha samantalang ako ay napapangiwi sa mga naiisip nila.
Nilagpasan ko ang dalawa saka inirapan bago pumunta sa upuan ko.
"Huy, Irish, bakit ka nakaupo riyan? 'Di ba, upuan 'yan ni Nunal?"
Natauhan ako sa napagtanto. Oo nga pala, ako na pala ngayon si Irish Potterson.
Umakto na lamang akong hindi ko alam at saka nagtungo sa upuan mismo ni Irish. Sa gitna nina Jelay at Criselda.
"Ano na girl? Ise-set-up na ba natin iyong smell bad idea ko?" si Criselda na nakangisi.
"Whatever you want," ani ko na ginaya sa tono ko ang boses ni Irish na may pagkamaarte. Hindi pa ako gaanong sanay sa mga mannerism nang Irish niyon kaya medyo naninibago sa akin ang dalawang bruha. But I do my best to pretend.
Pagkatapos i-set-up ng dalawa ang mga bitag para sana sa akin ay nagtungo na sila sa kanya-kanyang upuan. Tila excited ang dalawa sa gagawin nila pati iyong ibang mga kaklase ko, excited na rin matunghayan ang kahihiyan ko. Gagawin nila iyon bago dumating ng thirty-minutes ang aming guro.
Ako naman, excited na rin sa kapalpakan ng dalawa at pagkadismaya ng mga mukha ng kaklase ko kasi expected ko nang walang Meicy na darating.
Subalit laking gulat ko nang naghagikgikan ang mga kaklase ko. Kasunod ang malakas na tawanan na narinig ko sa buong paligid. Hi-hindi 'to maaari... Nanlalaki ang mata kong nabuhusan ng timba na may lamang ihi at dumi ang isang taong punong-puno ng nunal ang mukha. Kitang-kita ko ang tanda sa pagmumukha niyon kahit naliligo na sa dilaw na likido ang babaeng iyon. Papaanong?
Tunganga lang ako at unti-unting napapaawang ang bibig. Hindi ako makapaniwala. Imposible...
"Shucks, amoy panghi na rito. Nasaan na nga ba ang janitress at nang malinis ang isang iyan?"
Rinig kong insulto ni Jelay pero hindi iyon ang tuon ko kundi sa babaeng nagpapanggap na pagkatao ko no'ng huli. Nanginginig na lumapit ako nang dahan-dahan kay Meicy. Tama nga sila, amoy panghi na siya.
Ilang dipa pa lamang ako ay umatras nang maramdamang papalapit na ako sa kanya at saka tumakbo palabas. Sinubukan ko siyang habulin ngunit parating na ang guro namin kaya bumalik ako sa upuan ni Irish.
---
Umuwi akong nakaukit pa rin sa pagmumukha ko ang pagtataka. Tiningnan sa salamin ang mukha ni Irish este mukha ko pala.
"Ang ganda ko," ani ko nang nakangiti pero kalaunan ay bumalik muli ako sa pagkaseryoso at pagkunot ng noo nang maalala ko iyong kanina.
"Meicy anak! kakain na."
Lumingon ako nang tawagin ako ni mama. Nakapasok na pala siya sa kuwarto ko. Halata ang mukha niya sa pagkabigla nang makita ang transformation na naganap sa akin.
"Si-sino ka?" tanong niya.
"Mama, ako ito, si Meicy. Ang ganda ko, 'di ba?"
Hindi nakaimik si mama bagkus ay natakot pa yata sa akin.
"Mama, ako ito... si Meicy. Iyong maraming nunal sa mukha, ang birthday ay January 22, 2001." Pagbigay ko ng patunay kay Mama pero para yatang hindi siya nakumbinsi. Hindi sapat ang patunay na iyon para mahila ko si mama na ako nga si Maicy kaya sinabi ko sa kanya kung ano ang hilig ko. "Mama, ako nga ito... si Maicy. Iyong mahilig mag-make-up ng kung anu-ano sa mukha noong bata pa?"
Siguro sa pangungulit ko, sa wakas ay napaniwala ko rin ang mama ko.
Nilapitan niya ako saka niyakap. Ngunit hindi talaga siyang makapaniwala na nagbago ang mukha ko. Sinabi ko na lamang kay mama, napanood ko kasi sa Youtube kung paano sa pamamagitan ng prostethics kaya ako gumanda ng ganito, napag-aralan ko naman, natutunan, kaya gayang-gaya ko ang pagmumukha ni Irish at natakpan ang mga nunal sa mukha ko.
Sa kalagitnaan ng mainit na pagyayakapan namin ni mama ay nakita ko sa nakabukas kong kuwarto na may dumaang babae. S-Si Irish ba iyon?
Natatakot man at the same time kinikilabutan, ipinagsawalang-bahala ko na lamang.
---
Kinabukasan, bumungad sa akin ang mga kaklase kong takot na takot sa akin. Nilalayuan. Ano bang mali sa akin, maganda na nga ako, 'di ba? Kamukha ko na si Irish? Wala na akong ka-nunal-nunal sa mukha. Pero bakit ganito sila makailag sa akin?
Kataka-taka man ang ikinikilos nila, waring kinutuban na ako.
"Hey classmates? What's wrong?"
May isa ako classmate ang nakapagsagot sa akin ng matino kahit halatang takot na takot sa mga katagang binibitawan.
"P-Patay ka na. Patay ka na!"
Hi-hindi ito maaari? Na-natagpuan na ba ng mga otoridad?
Kalunan ay dumating din ang dalawang alipores ni Irish.
"Who are you?! Hindi ikaw si Irish girl!" singhal ni Criselda.
"Kagagaling lang namin sa morgue kanina, paanong..."
Natigil sa pagsasalita si Jelay nang mayamaya ay biglang may dumating na ikinalingon naming lahat. Pagod na pagod siya kasi akala niya ay late na siya na nakahawak ang dalawang kamay sa kanyang tuhod sa hingal.
Mas lalong natakot at napasigaw ang mga kaklase ko nang mag-angat ng ulo ang babaeng iyon. Gulat na gulat din ako na para bang gustong tumigil ng puso ko sa sobrang pagkabigla. Si Irish iyan. Pa-paanong dalawa na kami? Pi-pinatay ko na siya! Hindi puwedeng dalawa kaming Irish na magkaharap dahil ang tunay na Irish ay bangkay na!
Nasa akin na ang mukha niyang binalatan ko at pinalit sa pinaglihi sa buto ng pakwan ang aking pagmumukha.
Ibinaon ko na siya sa lupa tatlong araw mula ngayon na batid ko namang hindi matutukoy ng pulisya. Paanong?
Ah, may nakakaalam ng lahat! May nakakaalam kung sino.
Agad kong iniwanan ang mga classmates kong nakanganga pati ang isang Irish na kamukha ko. Wala akong pakialam basta mapuntahan ko mismo ang lugar kung saan ko ibinaon ang katawan ni Irish Potterson.
---
Nagtungo ako sa likod ng palengke kung saan ko inilibing iyong bruhang ginamit ko nang mukha. Mga gabi ko isinagawa ang krimeng iyon. Malabong may nakakaalam. Noong tapos na ang klase namin at kasalukyan kaming umuuwi na para maglakad, palihim kong sinundan si Irish.
Nang saktong wala ng tao ang nakakahalubilo niya ay agad ko siyang sinugod. Hindi siya makasigaw, hindi pa siya nakaporma, nabigla na lang yata siya nang nasaksak ko na siya gamit ang patalim sa kanyang likuran. Maka-ilang ulit ko siyang inundayan. Walang tigil. Hanggang sa malagutan na siya nang hininga.
Dinala ko siya sa aming bahay. Tulog no'n si Mama, nang sa gayon ay tahimik kong masagawa ang aking plano. Isang operasyon. Para raw maging epektibo ang paglalagay ng prostethics sa iyong mukha, ang mismong mukha mismo ng gagayahin mo ang kunin ko.
Ayon sa pagkakaintindi ko sa sinasabi sa YouTube. Kaya iyon ang ginawa ko. Gamit ang manipis na kutsilyo, hiniwa ko muna ang chin ni Irish, manipis lang daw, pero sa pagka-excited ko ay malaking laman ang nasama sa pagkakahiwa ko niyon. Pulang-pula ang laman ng sa likuran ang balat nito. Pawis na pawis pa ako habang ginagawa iyon, sa tingin ko, pasmado rin ako kaya medyo uka-uka yata ang pagtatanggal ng balat sa mukha. Gayon pa man, naging matagumpay ako.
Hindi na nga makilala ang bangkay na si Irish lapat na lapat na ang pagkapula at pagdaloy ng pulang likido rito.
---
Habang inaalala ang ginawa kong iyon at hinuhukay ko ang saktong pinaglibingan ko kay Irish ay narinig ko sa likuran ko ang pamilyar na pagtawag.
"Anak!"
Nilingon ko ang tumawag at nagulat akong si Irish ang nasa harapan ko.
"Tigilan mo na ang panloloko mo... anak."
"M-Mama? I-ikaw?"
Walang salita ang lumalabas sa aking bibig. Nilamon na siguro ako ng revelations na si Mama pala ang nakakaalam ng sikreto ko.
"Sorry, anak at naisuplong kita. Ako rin iyong kahapon na gumaya sa iyo bilang si Maicy. Natutunan ko ang panggagaya rin ng mukha, ang paggawa ng maskarang may halong dasal sa ina kong mangkukulam na si Lola Antang mo, sa pamamagitan din ng iyong kagamitan sa iyong kuwarto. Sorry anak, sorry..."
Halos kainin na ako ng aking natuklasan. Ngayon ko lang din napagtanto na may lahi pala kaming mga mangkukulam. Hindi ko akalaing ganito ang kahihinatnan. Tinraydor ako ng sarili kong ina.
"Matagal ko nang alam, anak, pinatay mo si Irish. Gising ako no'ng gabing iyon. Sa pamamagitan ng nalalaman kong dasal ay natukoy ko kung saan mo inilibing ang kaklase mo. Araw-araw kitang nasusubaybayan, ang kilos at galaw mo, anak. Sa pamamagitan ng dasal ay nababantayan kita. Pero hindi ko aakalaing ganito ang kahihinatnan." Bumuhos na ang luha ni Mama. Ako naman, hindi ko na rin maikubli ang nakakulong kong emosyon sa dibdib.
Napaluhod ako bago ko iangat ang nanginginig kong kamay saka ito'y tiningnan. Tuluyan na ring bumagsak ang luha ko. A-ano bang nagawa ko? Nakapatay ako kasi hindi ako nakuntento sa mukhang ibinigay sa akin? Ba-bakit?
Papalapit si Mama sa akin upang yakapin ako. Ngunit hindi pa man ako nakalalapit para aluin ako ni Mama, nakarinig na ako ng pag-alingawngaw na bumasag sa emosyong nananaig at pumapagitna sa amin mag-ina.
Nadatnan ko na lamang ang pagbagsak ni Mama, nakabulagta at wala ng buhay ang kaniyang mga matang tumitig sa akin, pagkatapos ang pagtulo ng natitirang luha ni mama.
Biglang nahaluan ng galit ang puso ko. At nag-angat ng ulo na sa pakiwari ko ay mga pulis ang pumatay sa aking ina. Ngunit, gitla ako na ang bumalaga sa aking harapan ay ang pulang-pula at lapat na lapat na walang mukha, pamilyar na tindig ni Irish.
Pero, hindi na ako takot. Walang takot na tumayo ako saka kinaharap iyon. Kailangan harapin ko ang kinatatakutan ko sabi ni Lola Antang at papanindigan ko ito.
Galit na galit na akmang susugurin ko na sana ang multong iyon nang bigla itong naglaho bagkus...nakarinig na naman ako ng sunod-sunod na pag-alingawngaw, pagputok ng baril.
Masaya na ako kasi nalabanan ko ang takot ko. Masaya na ako, dahil kahit ilang araw lang ay gumanda ako gamit ang mukha ni Irish, sa pamamagitan ng prostethics. Makakasama na kita, mama.
Wakas...
No comments:
Post a Comment