Photo Credits: Alex Asc |
Paano kung isang gabi, may makasalubong kang gusgusing bata na namamalimos? Dededmahin mo kaya o tutulungan?
Awa. Iyan ang nararamdaman ni Sabel nang makita niya ang isang bata na sa tingin niya, nasa edad pitong taong gulang na ang namamalimos sa gitna nang madilim na kalye.
Pauwi na sana siya noon pero napukaw ng pansin niya ang batang nakadikit ang mga tuhod sa dibdib habang nakalahad ang kamay sa daan.
Gabi na noon ngunit pursigido pa rin ang batang iyon na kahit kaunti, may malikom siyang kakarampot na barya.
"Palimos po, maawa na po kayo," pagsusumamo ng paslit ngunit walang kahit isang tao ang nagmagandang-loob na abutan ito kahit bentsingko.
Nahabag ang ginang sa bata. Binigyan niya ito ng baryang tig-sasampu.
"Bata, madilim na, a? Bakit hindi ka pa rin umuuwi sa inyo?" kuryosong tanong niya rito.
"Wala na po akong mauuwian kasi wala na rin po kaming bahay." Humikbi ito. Nagkalat na rin ang luha sa marungis nitong mukha.
Nang-usisa pa si Sabel. "'Yung mga magulang mo? Nasaan na sila?"
"Itinakwil na po ako ng mga magulang ko," diretsahang sagot ng bata.
Mas dumoble pa ang pagkahabag niya sa bata at ang galit nito para sa mga magulang ng musmos.
"Ano? Hindi puwede 'yan. Pang-aabuso iyang ginagawa sa 'yo. Bakit ka naman itatakwil, eh, anak ka nila? Anong klaseng mga magulang ba sila?" saad niya. "Gusto mo, iuwi na kita sa inyo. Kakausapin ko sila?"
Umiling lang ang bata. Na-trauma na 'yata ito. Pakiramdam din ni Sabel, binubugbog din ito kasi may mga pasa ang bubot nitong katawan sa iba't ibang parte.
"Gusto mo bang iuwi na lang kita sa bahay namin? Masaya do'n. Makakasusundo mo mga anak ko," malambing niyang sabi rito na tila nangungusap ang mga mata.
"Hindi na po. Ayoko pong makasagabal sa inyo, salamat na lang po," tanggi nito.
"Okay. Basta, mag-ingat ka, a?" Binigyan niya rin ito ng isandaang piso. "'Ayan, pangkain mo 'yan, para hindi ka na magutom."
"Thank you po talaga, ate..." sabay ngiti nito sa kanya.
"Ate Sabel ang itawag mo sa 'kin. Ikaw, ano'ng pangalan mo?" tanong niya sa paslit.
"Cedrick po, Cedrick Kiluang."
***
Napaigik si Sabel sa sakit nang hawakan siya ng mahigpit ni Nardo sa braso. "Nasaan na ang pera?!" Nagniningas ang mga mata nito sa galit. Animo'y papatay ito sa tinging iyon.
"H-hindi ko alam! Nahulog. Nawala!" mariin niyang sagot ngunit nakatanggap lamang siya ng malutong na sampal sa malupit na asawa.
"Ayaw mong sabihin, ah..." Gamit ang kamay na baka, dumugo ng labis ang nguso ni Sabel. "Hindi lang 'yan ang matatanggap mo kung hindi mo sasabihin sa akin kung nasaan ang pera!"
"Patawarin mo 'ko, Nardo. Ibinigay ko na sa bata." Nanginginig ang mga labi ni Sabel nang sabihin na niya ang katotohanan.
Ang dalawang batang babae naman ay tahimik na nakaupo sa isang tabi, magkayakap habang takot na takot sa kanilang ama. Naiiyak na rin ang mga ito sa nangyayari.
"Sinong bata 'yon? Sino?!" singhal ni Nardo.
Mababakas sa mukha ni Sabel ang pagkasindak. Ni-hindi siya makapagsalita kasi kaharap na niya ang demonyo. Naging mabagsik ang hitsura ni Nardo na nagsisimula ng sapian ng ispirito ng alak.
Kilalang lasenggo ang asawa ni Sabel sa kanilang lugar. Pag-uuwi siya galing trabaho, laging nakadaop na ang palad nito at handa na niyang isuko ang pinaghirapan niya rito para sa bisyo nitong pang-inom. Kung hindi naman niya ibigay, sasapitin niya ang kalunos-lunos na pambubugbog sa asawa.
Gayonpaman, mayroong naitatabing pera si Sabel para sa pang-araw-araw na pangangailangan at gastusin sa pamilya.
"Itay, tama na po. Nakakahiya na po sa mga kapitbahay. Maawa ka po kay inay," pag-awat naman ng isang anak nila.
Bumaling si Nardo sa nagsalitang anak. Binitiwan siya nito sa pagkakahawak at heto naman ang pinagbuntunan ng galit.
Piniga ng lalaki ang munting pisngi ng kaniyang anak. "'Wag kang makialam. Wala kang karapatang pagbawalan ako!" Pinandilatan ng nanlalaking mata nito ang paslit. "Ako ang masusunod sa pamamahay na ito!"
"Nardo, 'wag mong saktan ang anak mo! Ako na lang!" sigaw ni Sabel ngunit 'di pa rin siya nito pinakinggan.
Tangkang ipapatikim na sana ni Nardo rito ang mapang-aping kamay nang tumigil ito at kakaibang tumingin sa isa pang anak sa sulok. Nandidilat pa rin ang mga mata nito ngunit hindi na sa galit, kundi sa takot.
"S-sino ka?" Binitawan niya ng marahas ang mukha ng anak dahil nagsisimula ng mangatog ang buo niyang katawan.
"P-papa? Ako po ito, si Cheska..."
"Lumayas ka! Umalis ka sa pamamahay kong demonyo ka!" taboy niya. Patuloy pa rin sa pag-atras si Nardo.
"Ano po bang nangyayari sa inyo, papa?" kunot-noong tanong ni Lyka, hawak ang pisnging nasaktan.
Tumayo si Cheska na naguguluhan na sa ikinikilos ng ama na kaagad ikinaripas ng takbo ni Nardo palabas.
"Anong nangyari do'n?" Hawak ang sabog na nguso ni Sabel ay lumapit siya sa dalawang anak. "Ayos lang ba kayo?" nag-aalalang tanong niya sa dalawa.
"Kami po ang dapat na magtanong sa inyo niyan, inay," naluluhang ani Lyka kasabay ng mainit na yakap para sa ina. Ganoon din ang ginawa ni Cheska rito.
Tinugon 'yon ni Sabel at ikinulong sa kanyang bisig ang dalawang anak.
Nang iangat ng ginang ang kaniyang ulo, nakita niya sa madilim na bahagi ng sulok niyon ang isang pamilyar na bata, ang nakangiting si Cedrick.
Pumikit ang babae, baka namamalik-mata lang siya. Sa muli niyang pagdilat, wala na ang bata. Sa kanyang palagay, dulot lang siguro iyon ng kaniyang pagod at ang trauma nito sa pananakit ng mister, kaya kung ano-ano na lang ang nakikita.
---
Kinabukasan ay laking gulat niya nang tingnan nito ang pitaka. Buo pa rin ang perang pinaghirapan niya kahapon. Takang binilang niya 'uli iyon. "Imposible. Ibinigay ko na ang iba rito kay Cedrick, a?" paninigurado niya sa sarili.
Samu't saring tanong ang naglalaro sa isip ni Sabel. Ano ba'ng misteryo sa batang iyon?
Alas-nuwebe ng gabi nang siya ay nag-out sa trabaho. Pinili niyang dumaan kung saan niya huling nakasalubong ang batang iyon kagabi.
Baka 'andoon pa iyon. Tatanungin niya ito tungkol sa perang inabot niya rito.
Sa madilim na parte siya dumaan.
Walang nagsisilbing liwanag sa bahaging iyon sapagka't ang mga street lights doon ay hindi na gumagana. Nakaraang taon pa iyon hindi inaayos ng electrician. Pinabayaan na kaya ang ibang dumadaan dito ay natatakot. Bali-balitang marami raw ang nagpaparamdam sa lugar na ito.
"Cedrick?" Salubong ang kilay ni Sabel na nilibot niya ang tingin sa madilim na paligid. Umaasang matatagpuan ng kaniyang tingin ang kaawa-awang bata.
"Ate Sabel?" Napaigtad siya nang may magsalita sa kanyang likuran. Umalingawngaw iyon sa kanyang pandinig.
"Cedrick? Ikaw ba 'yan?"
"'Andito lang po ako, Ate Sabel..." Niluwa ito mula sa kadiliman. "Bakit po?" Binigyan siya nito ng isang matamis na ngiti.
"Kinukumusta lang kita. Okay ka lang ba?"
Hindi umimik si Cedrick sa halip ay nanatili itong nakangiti.
"Cedrick?" Kumunot-noo si Sabel. "'Nga pala, tutal, malapit na ang Pasko... sa iyo na 'to." Inabot niya rito ang limandaang pisong papel. "Sana, sapat na iyan para hindi ka na magutom."
Umiling si Cedrick pero 'di pa rin maalis dito ang taglay na ngiti na nagpaaliwalas sa hitsura ng bata. "Salamat po, Ate Sabel. Hindi po kita makakalimutan."
Hindi gaya noong una niya itong nasilayan, kaawa-awa ito, suot nga nito ang gula-gulanit na damit pero makikita sa hitsura nito ang labis na kasiyahan.
Tumalikod si Cedrick at pinasok ang eskinita, hanggang sa kinain na nga ito ng dilim.
Tulalang pinanood niya na lang ang bata. At hindi na niya namalayan ang pagpatak ng kaniyang luha.
***
Sumunod na araw hanggang sa sumapit na nga ang kapaskuhan, hindi na lumitaw pa si Cedrick sa mga mata ni Sabel.
Pinupuntahan niya pa rin ang madilim na eskinita na iyon, pero wala ng bata ang namamalagi roon.
---
Araw ng Pasko. Umaga. Maraming tao sa bayan. Masaya ang lahat at ramdam ang diwa ng kapaskuhan. Kahit nagkakasiyahan, hindi pa rin nila nakalilimutan kung sino ang may kaarawan ngayon. Ang dahilan kung bakit tayo mayroong biyayang natatanggap sa pang-araw-araw natin nabubuhay sa mundo na kailangan nating ipagpasalamat.
Doon na nakahanap ng pagkakataon si Sabel na makapagtanong tungkol kay Cedrick.
"Merry Christmas po, ale..." Natanungan nya ang isang may edad na matanda na nagtititinda nang iba't ibang klaseng gulay sa tapat ng eskinita kung saan niya huling nakita si Cedrick.
"Magtatanong lang po sana ako." Ngunit hindi siya narinig ng matanda sapagka't madami ang bumibili at nagkakagulo sa mga paninda nito.
"Sandali lang po!"
Nang kaunti na lang ang bumibili, doon na lamang siya hinarap ng ale.
"Ano po iyon?"
"May kilala po ba kayong Cedrick ang pangalan?" diretsang tanong ng ginang.
Natigil ang ale sa pagkukwenta ng mga nabenta. "Paulit nga ho? Cedrick ano ho?"
"Cedrick Kiluang po..."
Nang nabanggit iyon ni Sabel sa matanda.
Nalaman niya na ang Cedrick na tinutukoy niya ay isang taon na palang patay. Ang nakita at nakausap ni Sabel noong mga nakaraang araw ay isa na lamang palang kaluluwa.
Batay rin sa pahayag ng ale, namatay ito kinagabihan sa eskinitang iyon. Tumatawid noon si Cedrick sa gitna ng kalsada nang mabunggo ang murang katawan nito ng pagewang-gewang na truck. Tumilapon ito sa eskinita at doon na tuluyang binawian ng buhay ang bata.
Mahilig talagang magpalaboy-laboy si Cedrick pero matulungin sa lahat ng pagkakataon. Minsan nga namamalimos ito kahit madilim na para makatulong na rin sa hikahos na pamilya. Nakikit nitong uling ang mukha, ang buong katawan at nagsusuot ng gula-gulanit na damit nang sa gayon, kapani-paniwala na ito ay batang-grasa. Binubugbog daw ito ng kaniyang ama kapag umuuwi ito ng hating-gabi. Pero, sanay na ang bata.
Masaklap ang kinasapitang kamatayan ni Cedrick. Sa mura niyang edad, hindi aakalaing maagang mamamaalam sa kanila ang masipag at mabait nilang anak.
Wala ngang pinipiling edad ang kamatayan.
Hindi makapaniwala si Sabel sa natuklasan.
Nanlumo siya sa mga nalaman.
Kaya pala nagpapakita ito sa kanya, nais nitong ipaalam sa kanya na may mabuting puso siya na handang mamahagi ng biyaya sa oras na may nangangailangan, kahit may naghihintay sa kanyang hindi maganda sa malupit na asawa.
Kahit man ganoon, batid na ni Sabel na nasa mabuting kinalalagyan na si Cedrick sa piling ng Panginoon. At hindi niya rin makakalimutan ang mala-anghel na ngiti nito.
Sayang nga lang, hindi na niya masisilayan ito paglaki. Guwapo siguro ang batang ito kung hindi lang ito maagang kinuha ng nasa taas.
Hindi niya malilimutan ang bata sa kadiliman pero may mabuting puso naman ang hangad.
Wakas...
No comments:
Post a Comment