Photo Credits: Alex Asc |
Paano kung makakita ka ng ligaw na kaluluwa, anong gagawin mo?
BATID ni Laydee na alanganing oras na iyon ng kaniyang pag-uwi, pero mas pinili niya pa ring manatili muna ng faculty. Kahit mga bandang alas-siyete na iyon ng gabi, pursigidong tinapos niya ang lesson plan na ipapasa na kinabukasan. Gagawin niya na lang siguro ang kaniyang instructional materials kapag nakauwi na siya.
Bakit pa kasi nahumaling siya sa KDrama kagabi kaysa sa gumawa ng mga bagay na importante sa kanyang trabaho? 'Ayan tuloy, nagahol siya. Bukas na ang deadline ng kanilang lesson plan. Ngayon palang niya ito maasikaso. Mahirap sa parte niya kasi labis siyang naapektuhan sa pinanood. Aminadongdi siya fanatic ng mga ganoong klaseng palabas pero nang inaya siya ng bading na kaibigan na mag-movie marathon, hindi na matinag ang mga mata niya na itutok ang bawat episodes sa isang sikat na telenobela sa Korea.
'Di niya lubos maisip na ito pa pala ang makasasagabal sa serbisyo niya bilang isang guro.
"Kasalanan ito ng baklang 'yon, e," sisi niya kay Luke at naisuklay ang mga daliri sa kanyang buhok. Kasalanan din naman niya dahil nagpadala siya sa kaibigan. Gusto niya lang maglabas ng saloobin.
Kaharap ang laptop ay wala na siyang maisip na susunod na mai-type sa blangkong column na kaniyang analysis. Simot na ang laman ng kaniyang utak. Humikab siya, saka kinusot ang mata. Talagang pagod na siya. 'Pagod na ang kaniyang katawan.
Doon na niya piniling magligpit ng gamit. Ipagsasabay na lang niya siguro na gawin ang visual aids at naudlot na lesson plan sa bahay. Puyatan ito, wala munang KDrama.
Dakong alas-nuwebe nang siya ay gumayak. Ang sekyu na nasa guard house ay pawang siya na lang ang hinihintay. Nginitian siya nito. Giliw siyang binati kahit halatang puyat na rin sa mag-hapong pagbabantay. "Kumusta po, ma'am? Sipag naman po," kantiyaw sa kaniya nito.
Nginitian din niya ang sekyu. "Hindi naman po, Manong Jo. Talagang inabutan ng katamaran."
"Masyado na pong madilim, Ma'am. Maraming naglipanang masasamang-loob kapag ngayon po kayo umuwi. Baka mapahamak pa po kayo. Mabuti ay ihatid ko na po kayo sa sakayan," aya nito sa kaniya.
"'Di na po bale, salamat na lang po. Kaya ko naman po ang sarili ko. Magpapahatid na lang po ako sa kaibigan ko." Si Luke ang tinutukoy niya.
Hindi na siya napilit ni Manong Sekyu. Lumabas na siya ng tarangkahan bago magpaalam dito.
Panatag ang kalooban niyang kasama ang bading na kaibigan. Kapag ito ang kasama ay 'di siya mabo-bored habang nasa biyahe. Maraming tsika ito sa buhay. Kilala na niya ito mula nang maging magkaklase sila sa kolehiyo. Mayroon silang nakaraan pero kinalimutan niya na dahil hanggang magkaibigan lang sila. Mayroon na ring nagmamay-ari ng puso niya—si Pablo.
Tanggap na rin nito dahil hanggang matalik lang talaga silang magkaibigan. Iba na rin ang nagugustuhan ni Luke, si Lee Min Ho.
Habang nilalakad ni Laydee ang madilim na daan kung saan siya mag-aabang, natutulirong tinatawagan niya naman ang kaibigan. Ayaw sagutin nang nasa kabilang linya. Alas-diyes na iyon at malapit nang maghatinggabi. Nilamon na ng kadiliman ang paligid pero nagkalat naman ang mga bituin sa langit. Pasalamat siya at sa tulong ng mga street lights, nakikita niya ang mga taong dumadaan na bilang lang sa kaniyang mga daliri.
Medyo malabo rin ang rehistro ng mga hitsura ng mga nakasasalubong niya. Dahil siguro kinakalabit na rin siya ng kaantukan kaya ganoon ang mga nakasasalamuha.
Sana dumating na si Luke! Nagsusumigaw na ang kaniyang isip. Hindi pa rin sumasagot sa kabilang linya ang kaibigan. Ilang beses na rin niya itong tinatawagan.
Dala ng pagkainip, naglakad siya upang mapakalma ang inis. Umabot na rin siya sa sukdulan. "Maghahanap na lang ako ng masasakyan. Buwiset na baklang 'yon! Ayaw ma-contact!" Muntik na niyang maibato ang cell phone nang matigil siya. Kanina pa nawala ang antok niya sa frustration niya sa kaibigan, mas lalo lamang siya nagising sa kaniyang nasilayan.
Palapit sa kaniya ang isang puting sasakyan. Mabagal iyon habang tinutugtog ang isang malungkot na awitin. Nagtaka si Laydee, kinilabutan siya nang malaman na isa iyong karo ng patay. Biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso.
Bakit naman may naglilibing ng ganito kadilim? Sa tanang buhay niya, ngayon palang siya nakatagpo ng karo na maglilibing ng hatinggabi.
Parang binuhusan siya ng malamig na tubig sa patuloy na paglapit ng karo. Nanlaki ang mata niya sa sumunod na tagpo. Walang nagmamaneho sa puting kotseng iyon, paano ito umaandar kung walang driver?
Tuluyan na siyang nilamon ng takot. Atras siya nang atras. Mabilis siyang pumihit pabalik ngunit bumulaga sa kaniya ang katawan ng lalaking walang ulo!
"Ahhhh!" Pumailanlang ang tili ni Laydee. Nadoble pa iyon nang maramdaman ang biglang pagkapit ng isang malamig na kamay sa kaniyang kanang braso!
Heto na nga ang lubos na kinatatakutan at ayaw mangyari ng dalaga. Ang pagbukas muli ng kaniyang third eye. Ngayong katatapos lang ng kaniyang kaarawan, dito nagiging aktibo ang ikaanim na senses niya.
"Bitiwan mo 'ko!"
Nagpumiglas siya mula sa mahigpit na pagkakahawak ng nilalang. Subalit malakas ito kaya hindi siya makawala. Halos mawalan siya nang ulirat dahil sa matinding takot, lalo na nang makita ang nakaririmarim nitong hitsura—isang babaeng napupuno ng dugo ang mukha!
"Bitiwan mo siya!"
Nagkaroon ng kaunting pag-asa ang dalaga nang marinig ang sigaw ng isang lalaki. Lumingon siya at nakita ang lalaking naging pamilyar sa kaniya. "Ayaw mong bitawan, a!" Inilabas nito sa bulsa ang isang bagay na siguradong magpapatakot sa kaluluwang iyon—isang krus na kuwintas.
Naramdaman niyang tila lumuwag ang pagkakakapit ng kaluluwa sa kaniya. Ayaw pa rin lumayo ng elementong 'yon kaya naman ginulat nito ng biglaan ang multo. Sa isang iglap, naglaho ang mga ito. Maging ang pugot na ulo at ang karo na kanina niyang ikinasindak.
"S-salamat." Nanginginig pa rin si Laydee. Ayaw paawat ang pagkabog ng kaniyang dibdib. Mabuti niligtas siya ng isang may hitsurang lalaking pamilyar sa kaniya ngunit 'di niya matandaan ang pangalan. Kailan ba sila huling nagkita? Hmm. Matagal na siguro at hindi na niya maalala.
Mukhang hindi naman isang kaluluwa ang lalaking kaharap. Para ngang buhay na buhay ito kung kumilos. Pero nahihiwagaan lang siya sa lungkot na taglay ng mga mata nito. Na-we-weird-uhan siya na hindi niya malaman. Baka nga, patay na talaga ito. Ewan.
"Walang anuman. Mabuti pa, ilayo na kita rito para 'di ka nila gambalain," malamig ang pakikitungong sabi ng lalaki sa kaniya. Ni hindi man lang ngumiti.
Kumunot ang noo niya. Biglang nabuhay ang init ng dugo niya kanina. Porke't niligtas siya nito sa mga ligaw na kaluluwang iyon, basta-basta lang siyang susungitan. Sa porma ng pananamit nitong parang isang albularyo, di hamak na mas pormal pa siya kung titingnan. Kayawag itong magsuplado, teacher siya na mas edukado pa kaysa rito.
"Ahm. By the way, I'm Laydee," pagpapakilala niya.
Hindi nito nilingon ang dalaga, sa halip nagpatuloy pa ito sa paglalakad. "Alam ko. Basta, sumunod ka lang sa 'kin," sabi pa nito. Ni hindi man lang siya hinarap. Masungit nga.
Tahimik na naglakad ang dalawa. Marami sanang gustong malaman si Laydee tungkol sa lalaki subalit mailap ito. Lagi itong nauuna sa kanya, ayaw yata siyang kasabay.
"Mister, sigurado ka bang tama ang daanan natin?" tanong na niya. Para kasing naliligaw na sila. Mahamog ang lugar na iyon at saka nakakikilabot ang atmospera. Hindi na niya matukoy kung saan sila naroroon. Wala na iyon sa direksyon niya pauwi.
Nanatiling tikom ang lalaki.
Samu't-saring bagay na ang pumapasok sa kaniyang naiisip. Pinagdugtong-dugtong niya ang mga hinalang kailangang matugunan. "Mi-Mister, p-patay ka na rin ba?"
Sa wakas, huminto rin sa kalalakad ang misteryosong lalaki. Humarap sa kanya. Lumapit ito hanggang sa magkalapit ang mukha nila sa isa't isa. "P-Pablo? I-ikaw ba 'yan?"
Nakilala na nga niya ito.
Marahan niyang tinakpan ang nakaawang na bibig. Hindi siya makapaniwala. Sa tagal ng panahong nawawala ang taong iniibig noon, ngayon lamang ito nagpakita sa kaniya. "Imposible..." Nanlaki ang mga mata niya. Nanumbalik ang panginginig niya sa katawan.
"Patay ka na nga!" bulalas niya.
Nagtatakbo siya sa labis na sindak.
"Laydee! Sandali!"
Hinabol siya ng kaluluwang iyon. Walang lingon ay kung saang dako na siya napadpad. Gusto niya ng makatakas sa mga nilalang na 'di nakikita ng mga pangkaraniwang tao. Ang mga entidad na sadyang nilalaro lamang siya ng kaniyang paningin. Hangga't maaari, sana matigil na ang ganitong klaseng kababalaghan sa kaniyang buhay. Nais lamang niyang manahimik. Sumara na sana ang third eye niya. Sana, patahimikin na siya!
'Di na niya namalayan na may nabunggo na siyang tao. Bumagsak siya sa kalupaan. Dinilat ang mga mata, tiningala nang mapag-sino ang taong nakabunggo. "Manong Jo!"
Niyakap niya ang sekyu kung saang paaralan siya nagtuturo. Bumuhos na ang luha niyang kinimkim sa dibdib. Takot na takot siya ng mga sandaling 'yon. Sa mga kababalaghang nagaganap ng gabing ito.
Nang kumawala sila sa pagyayakap, halos himatayin siya sa hitsura ni Manong Jo. Puro bubog ang mukha at 'di na halos makilala ang kaharap na SG.
Isang nakaririnding sigaw na naman ang pinakawalan ni Laydee.
"Lumayo ka!" taboy ni Pablo sa multong sekyu.
Kita niyang may isinaboy ito sa nilalang para tuluyang lumayo, tila holy water.
Sa pangalawang beses ay muli na naman siya niligtas nito. Kahit tinakbuhan niya ito kanina, nagawa pa rin siya nitong iligtas kahit isa na itong multo.
"Salamat muli sa 'yo, Pablo."
Bilang ganti ng kaniyang pasasalamat sa pagligtas sa kaniya, niyakap niya ang binata. Miss na miss na niya ang lalaking laman ng kaniyang puso. Kung buhay pa sana ito, ito sana makakatuluyan niya habang siya ay nabubuhay.
Subalit nagulantang si Laydee... at dahan-dahang iniangat ang mga palad upang titigan ang mga iyon. Hindi kasi niya nagawang yakapin si Pablo. Lumagos lang siya katawan nito. Napalunok siya at nakaramdam ng panlalamig.
"Hi-Hindi..." Dahan-dahan siya umiling.
"Ito sana ang gusto kong ipakita sa 'yo. Halika, malalaman mo ang kasagutan."
Wala sa sariling sumunod ang dalaga kay Pablo. Dinala siya nito sa sarili niyang puntod.
"Isang taon mula nang mamatay ka, Laydee," pagsisimula nito sa kuwento. "Kasama ka sa mga nasawi sa nangyaring sunog sa paaralan kung saan ka mismo nagtuturo na inabandona na ngayon. Noong panahong 'yon, akala mo patay na ako dahil sa matagal akong nawala. Nabulag ako sa isang aksidente at pinalad na makaligtas. Sa tulong ng iyong mga mata, muli akong nakakita."
Matamang nakikinig ang dalaga rito. Sinusubukang i-sink-in ang lahat ng mga sinabi nito sa kaniya.
"Kagabihan no'n nang makatulugan mo raw umano ang iyong ginagawang lesson plan sa faculty. Ang SG na si Manong Jo at ikaw na lamang ang natitira sa eskuwelahang pinapasukan mo. Hanggang sa tuluyang may sumabog sa gawing canteen. Sunod-sunod. Nang matupok ang eskuwelahan ng apoy. Dalawang katawan ang natagpuan ng pulisya, ang security guard na si Manong Jo... at ikaw," madetalyadong pahayag ni Pablo. "Si Luke, siya ang may gawa ng krimen kung bakit nasunog ang paaralang yon.Di namin alam na may galit siya sa yo dahil sakin. Akala ko no'n, ibinaon na niya sa limot ang nararamdaman niya para sa yo.Di niya matanggap na binasted mo siya. Planado na pala niya lahat. Ang hindi lingid sa 'min na siya pala ay totoong lalaking may sakit sa utak. Ngayon, nasa mental hospital siya at paulit-ulit binabanggit ang pangalan mo. Nagdurusa na siya ngayon, Laydee. Sana, matahimik ka na. Patawarin mo ako."
Lumuhod ang binata sa harap niya. Lumuluha ito habang humihingi ng kapatawaran. "Patawarin mo ako. Kung 'di dahil sa akin, sana buhay ka pa."
Kaya pala nakakakita rin ito ng mga multo dahil nasa kanya na pala ang mga mata niya. Marahil, di pa rin niya matanggap na patay na siya.Di niya inaasahan na hahantong ang buhay niya sa walang kamalay-malay na paraan. Biktima ng isang mapaglarong kapalaran na nauwi sa malagim na kamatayan.
Hindi pala dahil sa muling pagbubukas ng kanyang third eye kung bakit nakakakita siya ng mga ligaw na kaluluwa. Kung di dahil, isa na rin pala si Laydee sa mga ito. Ang mga kaluluwangdi pa rin tumutungo sa kanilang paroroonan dahil 'di pa rin matanggap ang kamatayang nangyari sa kanila.
No comments:
Post a Comment