Monday, November 7, 2022

Bakit may Itim sa Bahaghari?

 Malas daw kapag itim. 

Kaya naman sa tuwing dadaan ang itim na pusang si Blacky, sa teritoryo ng mga grupong pusang kung tawagin ay 'Rainbow Cats' sa eskinitang 'yon, dali-dali silang nagpupulasan. 

Kaniya-kaniyang pasok ang mga pusa na may iba't ibang kulay sa kanilang lungga.

Naghahanap na naman kasi ng makakain si Blacky. Pero agad ding umaalis kapag walang nahahanap ang pang-amoy nito. Mainam din na hindi nila nakasalubong ang pesteng pusa, baka magdulot lang 'yon ng kapahamakan kapag lumalapit ang pusang 'yon sa kanila.

Doon lang din napanatag ang loob na lumalabas ang pitong pusang-kalye.

"Tahimik ang buhay natin no'n. Pero simula nang dumating ang itim na pusang 'yan dito, binabalot na tayo ng takot at pangamba. Meow!" sabi ni Indigo. "Kailangan nating gumawa ng paraan para mawala siya sa landas natin!"

Nagpulong-pulong ang pangkat ng mga pusang bahaghari kung paano paaalisin ang pusang itim sa kanilang lungga. Minungkahi ni Kahel na kausapin ang kinatatakutang matabang askal na si Buster para takutin si Blacky. Pero kinontra 'yon ni Pula. Tiyak kasi niyang walang maglalakas-loob na kausapin ang aso, baka tahulan pa sila nito o mas masaklap, balibagin sa pamamagitan ng pagsakmal.

Naisip din nilang tawagin sa pamamagitan ng pambihirang huni ang mga puting kalapati para itaboy si Blacky. Ngunit naisip ni Green, hihingi lang ng kapalit ang mga ibon. Mahirap pa namang maghagilap ng binhi sa pagkain ng mga nilalang na nasa himpapawid.

Maraming suhestiyon pa ang pinagtalunan ng pitong pusa pero wala silang napagkasunduang makapagpapataboy kay Blacky.

'Di naglaon, lumubog na ang haring araw. Hindi pa rin natatapos ang mga pusa sa pagpupulong. Habang nag-uusap pa rin ang mga pusa, nakarinig sila ng malakas na pagkaluskos!

Nanginginig na nagtipon-tipon ang mga pusa sa iisang puwesto. Lumakas nang lumakas ang pagkaluskos hanggang sa pinutakte na sila ng nakangingilabot na pamilyar na tunog ng 'ik-ik!'

Laksa-laksang dagang 'sinlalaki nilang mga pusa ang lumutang! Nataranta sila nang mapagtantong wala na silang matatakasan. Sasalubong na sana ang mga dagang kanal sa pangkat na pusang bahaghari nang biglang may umalingasaw na amoy keso sa buong eskinita!

Biglang nag-iba ng direksyon ang mga dagang kanal. 

Muntikan ng magulo ang pugad ng pusang bahaghari.

Ilang sandali pa, sumulpot sa 'di malamang dahilan ang pusang itim; si Blacky.

Sinidlan muli ng takot ang mga pusa. Pilit siyang pinapalayo nina, Blue, Berde, Indigo, Ube, Yellow at Kahel. Pero pinigilan sila ni Pula.

"Sandali! Huwag n'yo siyang itaboy, mga kapusa!" Inamoy niya ang pangkalmot ni Blacky. "Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapahamakan."

Naamoy rin ng iba ang amoy keso sa bibig ng pusang itim.

Kaya pala laging nando'n si Blacky sa eskinita para magbigay sa kanila ng babala at hindi para maghanap ng pagkain; noong inagaw ang pagkain sa kanila ng asong si Buster at pinagtutuka sila ng mga kalapati. Inisip nila na dahil 'yon kay Blacky, kaya nangyari iyon sa pangkat ng mga bahagharing pusa. 

Nais din ng pusang itim na ito na makipagkaibigan sa kanila pero ang isinukli lang nila ay diskriminasyon sa kulay na sumisimbolo sa kamalasan, ayon sa pamahiin ng matatanda.

Labis na nagsisi ang pitong pusa sa panghuhusga nila kay Blacky. Hindi pala dapat sila tumitingin sa panlabas na anyo. Lalo na kung ano ang kulay nito. Hindi rin dapat sila dumepende sa sasabihin ng iba.

Tandaan, laging isaalang-alang ang nararamdaman ng isang nilalang. Maaaring makasakit ka sa simpleng kilos o payak na salita lang kung hindi ka mag-iingat. Huwag manghusga ng kapwa, sa halip bigyan ng pagkakataong kilalanin at kaibiganin kung magdudulot ito ng mabuting impluwensiya sa 'yo lalo na sa iba.

Magmula nga no'n, naging bahagi na ng grupong 'Rainbow Cats' si Blacky.


***Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.





Sunday, November 6, 2022

Bente Tres


This Photo is edited by Alex Asc.Dalawampu’t dalawa po. Dalawampu’t dalawa na po ang napatay ko, Father. Kabilang naroon ang limang pamilya ko. Isama pa ‘yung apat na kakosa ko na nakasama ko sa selda. Pinatay ko rin ang ex ko. P-pati ang girlfriend kong si Manilyn. E-ewan ko ba kung bakit ko ba nagawa ang mga ‘yon. Hindi ko alam. Siguro, masyado lang talagang mainitin ang ulo ko o baka sinasapian ako ng masamang ispirito. Baliw na ba ako? Demonyo yata? Ewan! Masyado lang siguro ako nagpapadala sa damdamin ko. Nagpapadala kasi ako sa emosyon at inilalabas sa pamamagitan ng pananakit dahil wala naman akong panama pagdating sa mga sagutan. Patawarin sana nawa ako ng Panginoon sa nagawa ko, pero alam ko namang walang kapatawaran ang lahat ng ginawa kong iyon. Akalain mo ‘yon, dalawampu’t dalawang katao ang napatay ko.

Father, tutal heto naman ang huling araw ko, ikukwento ko na lang kung paano nagsimula ang lahat.

Elementary ako noon. Grade Four. Onse anyos –ako ‘yung pinakagurang kumpara sa mga kaklase ko pero ako ‘yung laging kinakawawa sa loob ng klase. Masisisi ba nila ako kung nagkasakit ako? Hindi ko naman kagustuhan ang madapuan ng sakit kaya lagi akong nababakante ng taon sa pag-aaral. Bakit ba kasi mahina ang immune system ko? Palagi akong nahuhuli sa mga kaedaran ko. Kahit ako ‘yung pinakamatangkad sa kanila, ako naman ang pinakamaliit sa paningin nila. Kinukuwestiyon pa nila ang kasarian ko. Bakla raw ba ako? Iyon ang lagi nilang tanong sa akin.

Tinanong ko rin noon ang sarili ko kung ano ba talaga ako? Ang hinhin ko raw kasing kumilos. Puro na lang babae ang kinakausap at kinakaibigan ko. Halatang ilag ako sa mga lalaki. Hindi ko rin alam. Hindi ko naman kasi kilala ang sarili ko. Totoong naa-attract ako sa mga lalaki lalo na sa guwapo at matipunong pangangatawan pero more on insecurity ba? Ewan. Marahil hindi lang ako biniyayaan ng guwapong hitsura katulad nila. Hindi naman kasi pantay-pantay ang pagbibigay ng Diyos ng kapalaran, emosyonal, pisikal at ugali sa atin. Pero, Father, hayaan n’yo muna ako magkuwento, ha? Mamaya na po kayo kumontra, okay? Batid ko namang bibigyan ninyo ako ng kaliwanagan patungkol diyan. Hayaan ninyo muna akong maglabas ng saloobin ko kasi last day ko naman na. Salamat.

Hayun nga, kaya naman po ganoon ako kalapit sa mga babae, dahil mas komportable akong kasama sila. Aaminin kong mas close ako kay Mama kumpara kay Papa. Si Papa kasi masyadong mahigpit –nakakatakot siya. Traumatic ba ‘yung mga salita at pinipilit akong mag-basketball noon–e, sa ayoko nga. Hindi ko naman kasi hilig ang ganoong laro–’buti pa ‘yung dalawang lalaking nakababata kong kapatid–magaling magpatalbog at magpasok ng bola sa ring. Sana-all.

Magaan kasing kausap ang mga babae, saka nakakabiruan ko. Ang awkward lang ng feelings kapag may kausap akong lalaki. Umiinit ang dugo ko. Napapakuyom ako ng palad at parang gusto kong ipadapo ang kamao sa guwapo nilang mukha. Insecurity nga ang tawag dito. Kainggit kasi sila, nasa kanila na ang lahat. Sana sa akin na lang ang hitsura nila. Gusto kong makipagpalit ng mukha, kung puwede lang. Palit tayo, sige, pero hindi puwede, e. Gayahin ko si Xander Ford? ‘Di bale na lang, Father, he-he. Basta lalaki ako. Hmm. Oo na, bi ako. Hindi pala ako straight na lalaki.

O, siya, heto na nga. May isa akong babaeng kaklase noon na tawagin na lang natin sa pangalang Maureen. Nasa ika-apat na baitang ako noon at kaarawan ko–October 23… tandang-tanda ko pa, Father. Naging malapit kami ni Maureen sa isa’t isa. Sabi niya pa nga noon, crush niya ako. Siyempre, puppy love lang iyon, bata pa siya, e. Binati niya ako ng ‘Happy Birthday’ noon na may kasamang halik sa pisngi. Bahagya akong kinilig, siyempre, galing sa ibang tao. ‘Yung mama ko lang ang gumagawa sa akin noon. Alam pa niya ang favorite number ko–23. 

“Dahil birthday mo, tattoo-an kita sa braso ng 23. Okay lang ba?” 

Tumango ako, mabait akong tao saka lahat ino-oo-an ko kahit ‘di ko gusto. Bilang kaarawan ko rin noon, pinaubaya ko na lang sa kanya kung saan ako uukitan. Ballpen ang ginamit niya, ‘tas medyo masakit pa ang pagkakakayod ng matalim na ballpen. Hindi ako umaray, baka kapag kasi umaray ako, ma-offend siya. Ayokong may mga taong masasaktan ang damdamin dahil sa akin. Kahit ako na lang, titiisin ko na lang para sumaya sila.

Pagkauwi ko po noon sa bahay, tiningnan ko agad sa salamin ‘yung tinattoo sa akin ni Maureen. Napangiwi pa ako kasi ang hapdi ng tattoo niya. Parang natuklap pa iyong balat ko. Pumasok no’n ang kapatid kong lalaking sumunod sa akin sa silid.

Maangas siyang humiga sa malambot na kama. Ilag ako sa kumag na ‘yon dahil biglang kumukulo ang dugo ko–para mag-away kaming dalawa. Kumabog kasi ang dibdib ko nang sobra kay Wyn. Ang bilis. Bigla rin ang pagsalubong ng kilay ko. Huminga ako. Sunod-sunod. Namumula kasi talaga ang pares ng mga mata ko sa ‘di ko malamang dahilan ‘tas antimano’y nawala na lang. Sore eyes ba ‘yon o kung ano?

Lumabas ako noon bago pa niya ako asarin sa nakita niyang ukit na numero sa braso ko. Kasama ko siya sa kuwarto ko kaya aso’t pusa kami talaga dahil gitgitan at agawan sa iisang kama. Tiyak kakantiyawan niya ako. Sasabihin pang: Birthday ni Yatskie. Twenty-three sa braso, pang-aasar sa akin. Alam niya kasing mainitin at pikunin ako kaya pinagpapatuloy niya ang pagpapansin kahit ‘di ko gusto.

 Lumabas muna ako noon para magpahangin. Baka nanggagalaiti lang ako nang mga oras niyon. Pero habang tumatagal, napapansin kong hindi na normal ang pagiging mainitin ng ulo ko.

Napapansin na rin ng pamilya ko ang pagbabago ko. Para bang nagpipigil ako. Gusto ng kumawala nang kung anuman ang nasa loob ko pero kinokontrol ko. Ayoko talagang magpadala sa bugso ng damdamin.

Tinanong nila ako kung okay ba ako, ano bang nangyayari sa akin o…naka-shabu raw ba ako, singit ni Wyn na may patawa-tawa pa. Bigla akong nagwala noon. Lumalim ang boses ko. Triple ang boses na sininghalan ko si Wyn; Hindi ako naka-shabu! Bawiin mo ‘yang sinabi mo, hindi ako naka-shabu! Hinampas ko nang malakas ang lamesa kasabay ng pagtapon ng pagkain na nasa pinggan at ang pagkabasag ng mga babasaging kasangkapan na naroon. 

Una kong nadampot ang tinidor sa lamesa. Nilabas ko ang galit ko sa pamamagitan ng pagbaon ng tinidor sa bao ng ulo niya. Gigil at buong lakas kong ibinaon iyon sa templo ni Wyn hangga’t hindi nahuhupa ang galit na nararamdaman ko. Tumalsik sa mabalasik kong mukha ang malapot na pulang likido at pira-pirasong utak ng kapatid ko. 

Napahinga ako nang maluwag sa ginawa ko noon. Nabitawan ang tinidor at kasabay ng pagkalansing noon, dumako ang ‘di ko makapaniwalang paningin sa pamilya ko sa ginawa ko kay Wyn.

Labis na nasindak ang apat sa akin; si Mama, Papa, si Nadja at ang bunsong si Loydie na apat na taong gulang na noon na walang tigil sa pag-iyak. 

“Anong ginawa mo sa kapatid mo?!” sigaw sa akin ni Papa.

Tangkang hahawakan ko sana sila pero kaagad silang umiwas. Para bang nandidiri. Sumalubong ang kilay ko saka napakuyom ang palad ko sa mapang-uyam nilang tingin. Anak nila ako pero bakit ganoon sila kung mapangmata agad sa akin?

Tangkang lalapitan na sana ako ni Papa pero tumungtong kaagad ako sa upuan at tinusok gamit ng hintuturo ko ang kaniyang kaliwang mata. Pumalahaw si Papa sa sakit. Bumaha na rin ng sigaw ang tahanan namin. Dinampot ko ang kutsilyo sa ibabaw ng lamesa. Ginilitan ko ang leeg ng Papa ko. Sinusubukan akong pigilan ng tatlo kong natitirang pamilya sa ginagawa ko pero hindi ako nagpaawat–pati sila dinamay ko. 

Pinagsasaksak ko rin sila… oo, Father. Pati si Loydie, ginilitan ko rin sa leeg dahil sobrang ingay niya.

Lumuluhang nilisan ko ang bahay naming puro na lamang nakatira ay patay na katawan ng pamilya ko. Kasabay ng paglisan ko sa pagpaslang sa pamilya ko, iniwan kong nakabukas ang kalan na ‘di kalauna’y sumabog dahil narinig ko pa ‘yon sa ‘di kalayuan. 

Noong una, walang nakaalam noon. Independent house lang kasi iyon. Puro matatayog na puno lang ang nakapaligid at sobrang malayo sa iba pang bahay. ‘Tapos, sumunod na araw, nabalita sa media ang karumal-dumal na nangyari sa pamilya ko–na ako ang mismo ang may kagagawan.

Akala rin nila, patay na ako dahil hindi nila makita ang bangkay ko noon. Bigla ring sinaputan ng kung anong bait ang utak ko. Hubo’t hubad akong pagala-gala noon hanggang matagpuan ako ni Lola Medilleta, isang mayamang matanda na nagmamay-ari ng sikat na produkto ng langis.

Sinubukan niya akong tanungin kung sino ako–hindi ko sinabi ang totoo kong pangalan sa halip ay nag-imbento ako. Rex ang sinabi ko. Tinanong din niya ako kung may pamilya ako pero panay lang ako sa pag-iling no'n. 

Hindi na niya ako inurirat pa. Masaya raw siyang natagpuan ako dahil nasasabik si Lola Medilleta na magkaroon ng makakasama sa mansion niya na isang guwapong batang kagaya ko. Sa tanang buhay niya raw kasi, wala pa siyang maituturing na anak maliban sa mga kasama nitong apat na itim na pusa.

Hindi na naulit ang kakaibang nangyari sa akin noong napatay ko ang pamilya ko, Father. Nabago na rin ang pagkakakilanlan ko bilang si Mondie na naging Rex na. Bigla ang paglaho ng pagiging mainitin ng ulo ko at pagkulo ng dugo ko. Kataka-taka lang dahil iyong nakaukit sa braso ko na; 23 ay nag-iba. Naging 18 na lang po noon.

Pinag-aral ako ni Lola Medilleta hanggang sa magkolehiyo ako. Tinutuldukan ko rin ang nararamdaman kong galit sa tuwing may kumakanti sa akin. ‘Wag ko na lang pansinin. Para talaga kasing binubulungan ako ng demonyo.

Major in Business and Management ang pinakuha sa akin ni Lola Midelleta. Maganda raw iyon upang kapag nawala na raw siya sa mundong ito, ako ang humalili sa kanyang hawakan ang negosyo niya roon sa langis.

Marami akong naging malapit na kaibigang nakilala ko. Isa na roon, si Liberty. Sweet siya saka maalaga. May ‘care’ rin siya sa akin. Nagtapat pa nga siyang type raw niya ako dahil tahimik lang ako sa isang tabi at parang inoobserba ko raw muna ‘yung magiging kaibigan ko. Maputi at maputla rin kasi ako na isa sa hanap niya sa lalaki.

Biniro ko pa nga siya noon, baka napo-fall na siya sa akin nang hindi ko namamalayan.

Nagkapalagayang-loob kaming dalawa, hanggang sa naging kami. Sobra ko siyang minahal nang husto kaya ibinigay ko sa kanya lahat maski ang luho niya.

Apat na buwan na kaming magkarelasyon ni Liberty nang may nahagip ako sa face book account. Halos lumuwa na ang mata ko at lumapat iyon sa screen ng cellphone ko sa nakita kong may kasama siyang ibang lalaki sa isang resort na ‘di ko nalalaman.

Kinompronta ko agad siya noon. Katwiran niya pang matagal na ang litratong iyon. Nag-throwback picture lang siya na hindi ko naman pinaniwalaan. Mahigpit ko siyang hinawakan sa braso. Pumiksi siya pero hindi ko siya binitawan. Nasasaktan daw siya, pero iyon lang ang tanging paraan ko upang magsabi siya ng totoo–ang saktan siya!

Pumupula na raw ang mata ko sa galit noon. Ayaw pa ring umamin ni Liberty…kapatid niya raw ang nasa larawan.

Minura ko siya kasabay ng pag-untog ko sa kanya sa pader ng inupahan kong kuwarto dahil patuloy pa rin siya sa pagsisinungaling. Paulit-ulit ko siyang inuntog kasabay ng pagtalbog ng mabilis ng puso ko. Umiral na naman ang demonyo noon sa utak ko. Pilit pinapakalma ang sarili at humanap ng paraan kung paano ko lilinisin ang ginawa kong krimen kay Liberty. Napipinturahan ng dugo ang pader kaya gumamit ako ng alcohol upang linisin ‘yon maging ang zonrox. Gumamit ako ng gloves bago lagyan ng tingga sa ulo si Liberty na pinalabas kong nagpakamatay ito.

Pinaliguan ko ng glue ang baril na ginamit pati ang kamay ko upang hindi ma-detect ang fingerprint doon, bago pinahawak sa dilat na matang wala ng buhay na ex ko.

Naging pangunahing suspek ako sa nangyari pero dahil na rin sa wala silang nakuhang sapat na ebidensya sa pamimintang sa naulilang pamilya ni Liberty sa akin, napawalang sala ako. Dagdag pa na may mga koneksyon si Lola Midelleta sa pulisya.

Marami ng lumalayong mga kaklase ko dahil sa nangyari pero may mga lumalapit pa rin dahil pinapagaan nila ang kalooban ko. Hindi raw nila akalaing magagawa ni Liberty na magpakamatay. Lumabas pa tuloy na kasalanan ni ex ang lahat dahil makasarili ito at kinikimkim ang sariling problema sa nobyo niya–na walang iba kundi ako.

Lungkot na lungkot ako no'n. Mag-isang nagmemeryenda sa isang pabilog na mesa sa kantina habang inuusig ng konsensya’t pagdurusa sa sarili. ‘Di ko na lang namalayan ang presensya ng pagtabi sa akin ng isang magandang dilag.

Nagpakilala siyang Manilyn. Mula sa Education Department. Kinumusta niya ako noon kung ano na ba ang nararamdaman ko. Tipid na ngiti lang ang isinagot ko bago isubo ng buo ang natitirang burger sa puting plastic nito.

Sabi pa niya; para raw akong maaagawan, sabay hagalpak ng tawa. Nagsalubong ang kilay ko. Napansin niya sigurong magagalit na ako kaya binawi niya ‘yung kaniyang sinabi.

Madaling makainis ang babaeng ‘yon pero magaang kasama. Pinuna niya pa ‘yung tattoo ko noon sa kanan kong braso. Kum-peyborit ko raw ba ‘yung numerong 17?

Napamulagat ako sa sinabi niya. Dati, 18 lang ito. Bakit 17 na? Sasabihin ko sanang 23 ang peyborit number ko pero iniba na niya ang topic. 

Marami kaming napag-usapan noon. Tawanan, biruan, basta, puro masasaya lang. Palagi na rin kaming magkasama sa kantina noon. Nagka-develop-an kami ni Manilyn. Parang wala ngang ligaw at naging kami.

Sabi niya pa; gaya raw ng numero ko sa braso na 17 ay nagkatuluyan kami. September 17 kasi nang maging kami ni Manilyn. Naging magkarelasyon kumbaga. Natatakot din ang puso ko na baka magaya siya kay Liberty kaya bilang proteksyong akin lang si Manilyn, pinilit ko siyang idala sa paraisong alam ko.

Ayaw niya noong una dahil inosente pa raw siya sa ganoon. Sabi ko, sa una lang naman masakit, masasarapan din naman siya ‘di kalaunan. Sa huli, napapayag ko siya dahil mahal niya ako.

Naging maingat naman ako noon, Father. Promise. Walang pagpupumilit. Sa labas ko talaga pinutok ang libog ko. Pero parang sumabog ang balitang nagdadalantao raw si Manilyn. 

Nagalit ako kasi alam naman naming dalawa ang romansang naganap sa amin sa kuwarto. Aabot sana no'n ng langit pero inilihis ko dahil takot din naman ako sa iniatang na responsibilidad.

“Rex, buntis ako. Ikaw ang ama,” siwalat niya. 

Pinakita niya sa akin ang pregnancy test kit niya. Dalawang pulang guhit. Puta! Hindi talaga akin ‘yon, Father. Maniwala kayo.

“Sinong ama niyan?" singhal ko sa kanya.  "Sinong nakabuntis sa ‘yo!” Hindi talaga ako naniniwala.

“Ikaw lang naman ang gumalaw sa akin, Re–”

“Sinungaling!” Hinugot ko sa nakasuksok na pantalon ko ang baril.

“Rex, anong gagawin mo? Rex, ibaba mo `yan. Namumula ang mata mo, Rex. ‘Yung tattoo mo sa braso, Rex, umiilaw–!” 

Umalingawngaw ang putok, tanda na nakalabit ko ang gatilyo sa baril ko.

Bulagta ang patay na katawan ng malandi kong nobya sa madulas na tiles ng banyo.

Hindi ko na nakontrol noon ang sarili ko, Father. Niluwa ako ng CR kung saang nag-usap kami ni Manilyn–na pinaslang ko–na kinitil ng demonyo kong pag-iisip.

Binalingan ko ang mga nagsisitakbuhang mga estudyante sa narinig nilang pagputok ng baril na nilikha ko. Buong lakas at paulit-ulit kong sinisigaw; kung sino ang nakadale kay Manilyn, magpakita ka! Habang sunod-sunod ng putok ng baril ang pinapakawalan ko sa itaas.

Sa tuwing may tumatakbong lalaking nakasasalamuha ni Manilyn noon, hinihinala kong sila pa ang dumale sa siyota ko. Pinapasalubungan ko ng putok. Sunod-sunod. Kahit ‘yung mga close teacher ni Manilyn, pinapasalo ko ng bala. Ayaw nilang umamin, e. Halata namang may pagnanasa rin sila kay Manilyn, mga hudas sila!

Sinubukan akong pigilan ng guard pero kahit sila, binabaon ko ng bala. Dumanak ng dugo sa eskuwelahan. Napakaraming dugo na naging kagagawan ko!

Umuwi ako noon kay Lola Midelleta na naliligo na sa sariling dugo. Ngunit nakaantabay na pala roon ang mga alagad ng batas. Kaagad akong dinakip. 

Multiple murder with homicide ang kinaso sa akin. Labing dalawang estudyante ba naman ang binaril ko kasama si Manilyn. Wala akong palag doon. Maraming saksi maski CCTV –alam ang ginawa kong katarantaduhan. Kalungkot lang, Father, nawala na sa akin lahat. Ewan ko ba. Hindi na rin inilaban ni Lola Midelleta ang kaso upang makalaya ako. Mas idiniin pa niya ako lalo. Siguro, nalaman na rin niyang kriminal ako ng tunay kong pamilya noong onse anyos pa lang ako. 

May pinaslang din ako na ka-inmates ko sa kulungan. Lumaban lang ako dahil balak nila akong pagsamantalahan–lamugin ang katawan ko sa pamamagitan ng pagbirada sa akin. Mga hayop!

Father, maniwala kayo. Batid ng Diyos na hindi ako ito. Hindi ako ang may-gawa ng lahat ng iyon. Kundi ang Maureen na `yon!

Siya ang nag-tattoo sa akin sa braso ng 23. Wala akong kinalaman. Biktima lang din ako. Detalyado ko namang inamin sa ‘yo ‘yon, Father, dahil nga may kumokontrol sa akin. Saksi ako sa lahat nang ‘yan. ‘Di ko gusto ang lahat-lahat! May kumokontrol talaga sa akin, promise.

Bente-tres anyos na ako. Saktong kaarawan ko ngayon. Kahit ngayon lang, sana maibulong ninyo sa Panginoon na tanggapin Niya ako. Ayoko na nang demonyong sumasanib sa akin, Father. Basbasan ninyo ako. Hugasan n’yo ang kasalanan ko. Maniwala kayo.

Bago man sana ako turukan ng lethal injection, gusto kong lisanin na ng demonyo ang katawan ko. Ayoko na ng ganitong pakiramdam. Ayoko na!

Po? ‘Yung tattoo ko sa braso? Number 1? Ay, oo nga, Father, ‘no? Bakit 1 na lang ito?

O, Father. Bakit ka lumalayo? Walang ibig sabihin ‘yan. Dito ka lang, Father. Gusto ko pang magkumpisal sa ‘yo bago ako bitayin. Pati ba naman ikaw, Father, nilalayuan ako. 

Ano?! Namumula ang mata ko, Father? Hindi, ah… Nilalayuan mo ako. Akala ko disipolo ka ng Diyos – katulad ka rin pala nila. Mapanghusga! Mapangmata!

Hoy, saan mo nakuha ‘yang baril, Father? Please, ‘wag mong iputok ‘yan! Please, Father! Please! Please! `Wag, Father! `Wag!`Wa–


***Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.

 







Pagtaya mula sa Pananampalataya

"Suko na ako."

Madalas kong naririnig ang mga katagang ito sa pelikula; iyong kriminal na handa ng magpaposas sa mga pulis. 'Yung handa ng magpakulong, handa ng harapin ang kaniyang kasalanan at handa ng maparusahan. Tingin ko naman, nararapat lang sa kanila 'yon lalo na kung napatunayan namang nagkasala sila. Pero minsan, nakararamdam ako ng awa sa tuwing ilalagay na sila sa silya elektrika o tuturukan ng lethal injection. Sa sitwasyong 'yon, ang demonyo – magtatawag na ng iba't ibang santo upang mailigtas sila mula sa bingit ng kamatayan. Pero naisip ko, paano kung inosenteng matatawag ang itinuring na demonyo ng lipunan? Gaya ko na wala mang kasalanan, pero araw-araw kong nararanasan na bitayin ng mga pagsubok lalo na sa sarili ko.

Apat na buwan bago ang itinakdang pagtatapos ko sana sa kolehiyo, napag-alaman kong may INC(Incomplete) pala ako sa class card. Business Math. Maituturing kong isa sa pinakamadaling major subject sa kurso ko. Pero noong balikan ko ang bahagi ng taong sinayang ko dahil walang tumulong o naglakas ng loob na magpaalam, nanlumo ako sa sarili ko. Maraming tanong na 'bakit' at 'paano kung' ang pumuno sa utak ko. Bakit kasi ako sakitin? Bakit naman ako dumedepende sa iba? Paano kung hindi ako nagka-HEPA? Paano kung hindi ako nagpadala sa hiya? Siguro gaya nila, guro na rin ako.

Ang totoo, bilang lang sa daliri ang itinuturing akong kaibigan. Minsan nga'y naiisip ko, nakikipagkaibigan lang sila sa tuwing may kailangan na. Wala talaga akong kaibigan. Tahimik kasi akong tao. Introvert. Hindi palasalita. Nagsasalitang mag-isa. Mahirap na. Kapag nagsalita ka o sagutin mo ang tanong sa 'yo, maaari kang makasakit ng iba. Ayaw na ayaw kong nakakasakit ng kapwa. 

Kaya buwan din ang lumipas sa pagkimkim ko nang problemang iyon. Hindi ko ipinaalam sa mga magulang ko na hindi ako makapagtatapos ng pag-aaral. Inosente ako pero 'di ako gumawa ng paraan. Kasalanan ko rin naman. Kailangan kong balikan ang asignaturang ibinagsak ko nang hindi sinasadya. Ngunit kailangan ko munang ipagtapat sa mga magulang ko na hindi ako makasusuot ng toga. Makaaabot ng diploma. Makakakanta ng "A Million Dreams" sa pelikula ng The Greatest Showman. Kahit mahirap. Madismaya man sila sa pag-amin ko, hindi ko na maibabalik ang panahon na kung alam ko lang nagkaroon man ako ng kamalayan, magagawan pa siguro ng paraan.

Dito ako nag-umpisang kumapit sa Panginoon. Nagsimulang itaya ang buhay ko sa pananampalataya. Inagaw ang puting rosaryo sa aming Poon. Ibinulsa. Umusal ng panalangin. Sinasalat sa bulsa ang bagay na nagpapagaan sa aking damdamin. Natutong magsimba linggo-linggo. Subalit hindi pa rin magawang ibuga ng bibig ang kasalanang nasalansan na ng mahabang panahon. 

Malapit na ang graduation. Pinuno ako ng tanong ng mga magulang ko; "Ano ng balita sa graduation mo, anak?" "Anong gusto mong handa. Jollibee na lang tayo?" "Magkano ba ang dapat na i-settle na bayarin sa school mo, anak?" Tipid na ngiti lang ang isinusukli kong sagot kay Mama. Mas lalong lumala ang pagiging tahimik ko. Bumubulong lang ako. Pero lingid sa kanila, umuusal ako ng dasal. Sumugal ako sa Panginoon na anumang mangyari, haharapin ko ang kahihinatnan ng lahat.  

Hanggang sa inihayag ko na kay Mama't Papa ang suliranin ko sa eskuwelahan. Hindi na nagulat si Mama. Pero si Papa, bahagyang nalukot ang mukha.  Inaasahan ko na 'yon. Ipinagdadasal ko na lang na sana hindi malamig ang pakikitungo niya sa akin. At ang lumipas ay kinalimutan na no'ng natuloy akong nagtapos sa sumunod na taon.

Sa bawat pagtaya ko sa pananampalataya, minsan nadidiskubre ko sa sariling may dapat akong baguhin. Ang pagiging introvert ko ay parte na ng pagkatao ko. Hindi siya kasalanan. Inosente lang sa parte na hindi ako sanay sa iba. Ngunit sa puntong ito, masasabi kong "suko na ako."

"Isusuko ko na ang buhay ko sa Kanya."


***Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12 .









Saturday, November 5, 2022

TULAla (Tulang Maka-Introvert)

            PAGNINILAY SA MATAMLAY


Nandiyan ka na naman sa tabi,

Nagmumukmok at 'di mapakali,

Lunod ang isipa'y balisa kasi,

Hirap ikalma 'iring sarili.


Nandiyan ka naman sa sulok,

Iniisip ang mundong naging tatsulok,

Ang buhay raw ay napupunô ng pagsubok,

Hinihintay ang katawan mong tuluyang mabulok.


Nandiyan ka naman sa higaan,

Bakit parati ka bang ganyan?

Tulala't nag-iisip ng hindi naman kailangan,

Kailan daw ba siya makararating sa huling hantungan?


Nandiyan ka naman sa inyong bahay,

Akala nila'y buhay mo'y hayahay,

Sa palagay mo kasi itinuturing ka nilang parang patay,

Dahil sa ugali mong palagi na lang matamlay.


Ano bang mali sa pagiging tahimik?

Kung para sa iba'y katumbas ng isang malalang sakit,

O 'di naman kaya'y tila nasisiraan na ng bait,

Sa persepsyon mo'y kapag nagsalita ka'y may malaking kapalit.


Hindi mo naman ginusto ang mapag-isa,

Ayaw mo lang talaga ng may makakasama,

Panulat at kapayapaan ang lagi mong dala,

Kaulayaw ang sariling mundo kaysa dumepende sa iba.


Hayaan mo lang ang iisipin nila,

Ni tahimik o madaldal 'di mawawala ang mga mapanghusga,

Gusto mo mang tumakas sa iyong pagkatao o tuluyang makawala,

Huwag mo lang isipin na maglaho na lang ng parang bula.


HIBIK NG TAHIMIK


Araw-araw,

nakikita kitang

naglalakad mag-isa

walang kasama.


Masaya

roon sa tabing kalsada

sa mga

walang makakakita.


Malaya

na tila kalapati

sa ibang ibong

mapang-api.


Gabi-gabi

umiiyak ka

na 'di alam

ng iyong pamilya.


Malungkot

habang namamaluktot

ika'y nakatalikod

at nagmumukmok. 

Nakakulong

sa dusa't sakit

na 'di masabi

punong-puno ng bakit.


Kung

kaya lang burahin

ang gabi

ng kaniyang mga luha


matagal na sanang

natahimik 'iring kaluluwa.


MALAY SA LAMAY


"Bakit siya matamlay?"

"Ganyan na siya, Melay 

di pa no'n patay 

ang kanyang tatay."


Ginusto ko bang iwanan kami ni nanay,

Habang si tatay nawawalan na ng kulay,

Nasaan siya no'ng ako'y nagbubulay-bulay,

Kung sarili ko lang no'n ang aking karamay.


Mahirap alayan ng titig ang mga nagkakape,

Lalo na ang nagsusugal harap sa aming kalye,

Bulungan ng nakikiramay 'di na bale,

Kaysa iba riyan palaging nangungusume.


"Sobrang tahimik niyang bata."

"Baka naman bibig niya'y namatanda."

"Ang sabihin mo'y pinutulan ng dila."

"Parang pipi naman yata."


Sa loob ng bahay na punô dapat ng pagdadalamhati,

Komosyon ng paksa nila'y sa akin nahahati,

Kung tawagin ako'y ngiti lang ang aking pagbati,

Ayokong humarap sa kanila wala namang masasabi.


Ganito na yata ang traumang hatid sa akin ng namatay,

Hindi makasalita't puno ng takot na nananalaytay,

Paano ko ba makalilimutan ang tatay?

Kung siya ang dahilan kung bakit ako naging ganito katamlay. 


Hinalay!



***Ang mga tulang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.


                         
                                                               

Bakit may Itim sa Bahaghari?

 Malas daw kapag itim.  Kaya naman sa tuwing dadaan ang itim na pusang si Blacky, sa teritoryo ng mga grupong pusang kung tawagin ay 'Ra...