|
Photo Credits: Alex Asc |
Handa mo bang gawin ang lahat para sa iyong minamahal na kasintahan?
Ako si Alexander Fercigal. Isa akong taong lobo. Ipinanganak ako sa Eastwood Maldives sa bansang Europa pero dito na sa Pilipinas lumaki. Ewan ko ba kung bakit ako naging ganito. Sa tuwing kabilugan ng buwan, nag-aanyong mabangis na hayop ako at takam na takam na kumakain ng karne ng mga hayop na hinahanap ko kapag kinakain na rin ng dilim ang liwanag.
Hindi ako kumakain ng karne ng tao kahit gustuhin ko man ito. Kontrolado ko pa rin ang sarili ko kapag nagiging taong lobo ako.
Nagsimula ang pagbabagong-anyo kong ito noong nasa edad disiotso ako.
Sabi raw ni Mom, isinumpa raw ako. Isinumpa raw siya ng isang mangkukulam at ako iyong naging bunga ng pagkakasumpa sa aming pamilya. Ako iyong nagdurusa. Dahil lang sa inagaw ni Mom ang mapapangasawa sana ng isang mangkukulam, isinumpa nito ang ipinagbubuntis ni Mom at ako iyon.
Isinumpang maging karimarimarim na nilalang.
Lumaki akong hindi kapiling ang mga magulang ko. Nang mag-dose anyos na ako, doon nila ako naisipang abandonahin sa bahay-ampunan. Wala na silang pakialam sa akin kasi wala na raw halaga ang buhay ko. Malapit na raw kasi akong maging taong lobo.
Pagkatapos nila akong palakihin ng ganito, basta-basta lang nila ako pababayaan. Anong klaseng mga magulang sila? Palibhasa, magkakaroon na 'uli sila ng bagong anak. Iyong normal talaga. Hindi nila matanggap kung anong katauhang mayroon ako. Dapat noon palang, pinatay na nila ako upang 'di ako magdurusa ng ganito!
Akala ko kapag nasa bahay-ampunan ako, magiging maganda ang pamumuhay ko. Ngunit mali pala ako ng inakala. Sinasaktan ako ng mga madre roon. Pinapalo! Nilalagay sa sako! Kahit wala naman akong ginawang kasalanan. Kaya pala nila ginagawa 'yon, kasi pinag-utos sa kanila ni daddy.
Hanggang sa tumakas ako roon. Nagpalaboy-laboy ako sa lansangan. Nagkukulong sa madilim na kinasadlakan nang matagpuan ako ng isang hindi pangkaraniwang nilalang.
Siya si Dravid. May isa siyang anak na babae at ang pangalan nito ay Hanna. Noong mga bata pa lamang kami, nahumaling na agad ako sa taglay nitong kagandahan. Ang cute niya, ang ningning ng mga mata niya na animo'y kumikislap na bituin sa madilim na kalangitan.
Inampon ako ni Daddy Dravid. Dad na ang tawag ko sa kanya kasi sinabi naman nito na ituring ko na siyang parang isang ama.
Ngunit habang tumatagal ang panahon sa pananatili ko sa kanilang tahanan, may nadiskubre akong kahindik-hindik sa kanilang katauhan.
Mga taong paniki pala sila o sa madaling-salita, mga bampira.
Nasilayan ko sila minsan nang simsimin ng mag-ama ang dugo ng isang mortal na tao.
"Heto talaga ang tunay na katauhan namin, anak," sabi ni Dad Dravid. Hindi naman ako nasindak sa dalawa dahil hindi rin ako pangkaraniwan gaya nila.
"May sasabihin din po ako sa inyo, dad. Isa po akong taong lobo," bunyag ko sa tunay ko ring katauhan.
Tanggap naman ako ni Dad at nang mga oras ding iyon, mas tanggap ako ni Hanna. Magkaiba man ang lahing nilalang naming dalawa, nagbinata't dalaga kami na sabay naming tinupad ni Hanna ang isang pangako... magiging kami hanggang sa huling hininga namin na magkasama.
Pero isang kondisyon din ang sinabi ko sa kanya na hindi na siya maninipsip ng dugo ng tao imbes na puro hayop na lamang gaya ng aking ginagawa.
Nang si Dad ay lumipad na sa bansang Madagascar upang doon mamahinga sa kabaong ng napakahabang panahon, kaming dalawa naman ni Hanna ay nanatili rito sa Pilipinas.
Edad bente tres nang magsama kami ni Hanna sa isang liblib na lugar na tago sa mga mortal.
Kailanma'y hindi pa kami nagtatalik dahil ipinangako namin, kapag handa na kaming tanggapin kung ano ang magiging bunga nito, 'di kami dapat magsisi. Baka kung ano pang maging kalabasan ng aming magiging anak ng isang taong lobo at taong bampira.
Dumating iyong araw na wala akong mahanap na magiging hapunan ng mahal ko. Isang linggo na iyon, tila naubos na ang mga hayop na hinuli ko para sa kanya. Mga manok na hinuhuli ko, maging ang mga baboy-ramo sa kagubatan. Nakarehistro sa mukha ni Hanna ang pamumutla. Anumang sandali, mapupugto na ang kaniyang hininga.
"Nanghihina na ako, Alex." Sapo ang dibdib ni Hanna ay inalalayan ko siya sa pagkakaupo. Halata sa payat na katawan at maputla nitong balat ang panlalata. "Isang linggo na rin simula nang makainom ako ng dugo. Kailangan ko ng sariwang dugo!" nakaririmarim ang boses nito. Ramdam din sa boses ng nobya ko ang matinding pagkauhaw.
"'Wag kang mag-alala, aking mahal. Maghahanap ako para sa iyo." Mula sa matulis at maiitim kong mga kuko, hahawakan ko sana ang maamo nitong mukha ngunit umiwas siya.
"Lumayo ka sa akin, Alex. Sawang-sawa na ako sa puro manok na lang ang sinisipsip ko."
"Hayaan mo, mahal. Aalayan kita ng matabang baka sa susunod."
"Ayoko!" Kaagad siyang tumanggi na 'yung tipong naglilihi. "Ang gusto ko, mortal! Gusto ko ng tao!"
Napailing ako. "Hindi puwede mangyari 'yan, mahal."
"Mahal kong Alex, kung 'di mo ako matutulungan, baka anumang sandali ay magiging abo na lang ako ng tuluyan. Gusto mo ba mangyari 'yon?" Napailing ako. Hindi ko makakaya kung mawawala sa akin ang minamahal kong babaeng bampira. "Kung ganoon, tulungan mo ako, gusto kong maging imortal." Nangungusap ang kaniyang mga mata. May awa ang hatid nito.
"Imortal? Paano?" kuryoso kong tanong.
"May nakatakdang mortal para sa akin. Hanapin mo siya. Paslangin at ialay sa akin. Siya lang ang taong makabubuhay sa akin habambuhay."
"Paano ko siya mahahanap?"
"Ayon sa kasulatan naming mga bampira, ang itinakdang mortal upang maging imortal kami ay may balat sa batok. Ang balat niya ay kulay abo na may kaunting buhok," paliwanag niya na kaagad kong sinang-ayunan.
Dahil sa nais kong maisakatuparan ang aking layunin, hindi naman ako nahirapang matagpuan ang itinakda para kay Hanna. Natagpuan ko siya malapit kung saan kami naninirahan sa liblib na lugar ni Hanna. Sa isang unibersidad na pinapasukan nitong eskuwelahan, ang Holy Catholic University.
Ang pangalan niya ay Angel. Maganda siya, saka may pagkabalingkinitan ang katawan. Maputi rin ang balat nito na mapagkakamalan kong parang isang manyika. Kung hindi lang ako nobyo ni Hanna, baka mapagkamalan ko ring bampira si Angel... na mamahalin ko rin.
Umiling ako sa aking naisip.
Hindi ito maaaring mangyari. Tanging si Hanna lang ang tinitibok ng puso ko at wala ng iba pa.
Sa una, patago ko lang sinusulyapan sa malayo si Angel. Mailap ako sa kanya dahil may iba pa siyang kasamang mga mortal. Ngunit, nakahanap ako ng pagkakataon na makilala siya pati ang mga kaibigan niya nang minsang nagpa-practice ito ng volleyball at iyong bola ay napunta sa pinagtataguan ko.
"Sir, iyong bola po," ani Angel na papalapit sa akin.
"Ay, pasensya na." Mabilis akong tumalima at nilapitan siya, saka ko iniabot ang bola.
Parang kilig na kilig naman ang ibang kasamahan ni Angel nang masilayan ang mukha ko. "Ang guwapo..."
"Ang puti..." Iyong kulot na babae, siniko pa si Angel.
Inirapan niya ito. "Tsss... tigilan mo nga ako, Rozabel."
Sa pag-irap niyang iyon ay biglang kumabog ang dibdib ko. Napakabilis niyon na para bang tinatambol. Gusto ko iyong paraan ng pag-irap niya, iyong tipong hahanap-hanapin mo talaga. Lalo na nang mahawakan ko siya. Parang nakuryente 'ata ako. Kuryente 'ata ito na tila nahuhumaling na ako sa kanya.
"Salamat pala, mister." Ngumiti siya na para talagang isang anghel.
Tulala lang ako sa kanya. "Salamat din, Angel." Hindi matinag ang mga matang nakatitig sa maganda niyang mukha.
"Kilala mo ako?" Bigla akong natauhan. Oo nga pala, nakalimutan ko. Nasambit ko na hindi sinasadya ang kaniyang pangalan kasi nakatuon lang ako sa inosente niyang mukha.
"I'm sorry. Narinig ko iyong sabi ng coach mo na---"
"Angel!" tawag ng matabang coach nila sa volleyball.
"I told you."
"Sige, mamaya na lang, mister, a?" paalam nito.
Matapos nang game nila, nag-usap kami. Nakilala ko pa ang mga kaibigan ni Angel. Mabait ito na nababagay sa kanyang pangalan. Maging ang mga kasama nito.
Ang mga kaibigan ni Angel ay sina Rozabel, Cynthia at ang bading na si Jeramie. Si Rozabel at Cynthia ay ka-team niya sa volleyball, samantalang si Jeramie ay kababata naman nito.
Ewan ko, parang hindi naman bading kumilos iyong Jeramie. Mas maton pa nga ito kumpara sa akin, mas mukhang lalaki ba.
"Magkuwento ka naman sa buhay mo, Alex. Saan ka nakatira?" tanong ni Cynthia, animo'y nangingilatis.
Nag-isip agad ako ng isasagot. "Ahm, malayo pa ako sa kabihasnan nagmula."
"Saan iyong specific name ng place, pogi?" Nakataas ang kilay na tanong naman ni Jeramie. Seryoso itong nakatingin sa akin.
"Basta, pribado, e." Mas sumeryoso pa ang mga hitsura nito sa aking naging sagot.
"May pinagtataguan ka po ba, kuya?" ani Rozabel na itinataas-baba ang kilay.
Napakamot ako sa ulo. "Wala. May mga bagay lang talaga na hindi na dapat sabihin at ayaw ng pag-usapan. Ayoko nang ibalik iyong mapait kong nakaraan." Kunwa'y nilungkot ko ang timpla ng mukha ko.
Hinampas ni Angel sa balikat ang kaniyang mga kasama. Napa-'aray' ang tatlo. "Kasi kayo, e. Dami n'yong tanong, 'di na kayo nahiya kay kuya."
"'Wag na 'kuya'. 'Lex na lang ang itawag mo sa akin." Nagtama ang mata naming dalawa.
Natuod ako sa tingin niyang iyon pero sandali pa, nawala iyon nang hampasin naman siya ng tatlong kaibigan. "Ouch!"
"Bumabawi lang kami sa iyo, girl," ani Jeramie na umarko ang kaliwang kilay.
Sa pagkakataong iyon, nag-init ang dugo ko sa tatlong kaibigan ni Angel. Hindi ko batid sa sarili ko kung bakit, parang magiging balakid sila para maisakatuparan ko ang aking plano.
"Okay, 'Lex." Kinindatan ako ni Angel samantalang ang tatlong kaibigan nito, nanunuri pa rin ang tingin.
"Landi mo, 'Gel," si Rozabel sabay hatak nito upang sa akin ay lumayo. "Tara na!"
"Next time, 'Lex, a?" pahabol ni Angel. Waring may pagkasabik ang boses.
Todo ngiti naman ako. Pero, may gumugulo sa isipan ko. Parang nagiging komportable na kasi agad sa akin si Angel kaya agad akong sinugod ng kuryosidad. Kakakilala palang niya kasi pero parang kilala na niya ako ng lubusan.
Ilang araw na ang nagdaan ngunit hanggang sulyap lang ako kay Angel. Hindi ako makabuntot sa kanya kasi parang binubulongan ito ng tatlo niyang kaibigan, iniimpluwensyahang layuan ako na mas ikinagalit ko ng husto sa tatlo.
Dumating sa punto na tuluyan ng pumikit si Hanna. Tuluyan na itong nawalan ng buhay 'pagkaraan ang dalawang linggo. Kailangan ko ng dakpin sa lalong madaling panahon si Angel. Baka anumang oras, maging abo na talaga ng tuluyan ang mahal kong nobya. Maglaho na lamang ito sa mundo.
Labis ang pighati ng aking puso. Bilang pangako ko kay Hanna, tinunton ko na ang lugar kung saan naninirahan si Angel. Batid ko na kung saan ito nakatira. Sa palagi ko ba naman pagsubaybay rito.
Gabi at bilog na bilog ang dilaw na buwan.
Isinagawa ko na ang plano na dapat una palang ay akin ng ginawa.
Mula sa pagiging normal na tao, nagbagong anyo ako sa pagiging taong-lobo. Pinuno ng aking katawan ang maiitim na balahibo. Nag-init ang mata ko at nagiging madugo. Humaba rin ang nguso ko, nagiging matalas ang bako-bako kong ngipin. Ganoon din ang maiitim kong kuko.
Mabilis akong kumilos. Dumaan ako sa likuran ng bahay ni Angel. Tumalon sa mataas na bintana upang doon magmanman. Naaamoy ko ang mabangong shampoo ni Angel sa buhok.
Sumingasing ako nang kasama nito ang tatlong balakid sa binabalak ko. Nagtatawanan sila at waring napakaimportante ng kanilang pinag-uusapan.
Mataman akong nakinig gamit ang mahahaba kong tainga.
"Alam n'yo ba na ang iba pang tawag sa werewolves ay 'Skinwalkers'?" tanong ni Cynthia sa mga kasama nito. "Ito raw ay nakukuha sa isipirito ng hayop kung saan, namana ito sa kanilang lahi o 'di kaya ay isinumpa sila ng kung sino."
"Sa palagay n'yo, werewolve si Alex?" salubong ang kilay na tanong ni Rozabel kay Cynthia.
"Ayon sa aking pananaliksik, baka nga..." Tumango-tango si Cynthia, 'tapos ay hinagilap ang isang libro. "May isang senyales siya kaya ko nasabi iyon..."
"Ano naman iyon?" excited na wika ni Jeramie.
Tahimik naman sa isang tabi si Angel. Halatang hindi interesado sa pinag-uusapan.
"Nakita ko iyong black mark niya sa dibdib nito na hugis pangil, senyales na isa siyang skinwalkers," deklara niya kaya binasag ko ang salamin ng bintana na nagpasindak sa gulat na gulat nilang mukha.
"Oo!" Umalulong ako. "Isa nga akong taong lobo!" Kasabay niyon, bigla silang nagpulasan ng takbo sa takot.
Tili sila nang tili habang tinatakasan ako. Sinundan ko sila at naabutan ko iyong madaldal na Cynthia. "Marami ka ng nalalaman," malagim kong anas sa kanya. "Ikaw ang uunahin ko!"
"Ahk---!" Gamit ang matatalas kong kuko, ibinaon ko sa dibdib niyon at hinugot ang puso nito na tumitibok-tibok pa, saka iyon nilantakan.
Mabilis akong tumalima, saka ko sinunod si Rozabel. Itinulak ko siya dahilan na dumausdos siya sa malamig na baldosa. "Parang awa mo na, 'wag mo akong patayin, hu-hu. Parang---"
Imbes na pakinggan siya, kinagat ko siya sa leeg. Pumulandit ang masaganang dugo nito na tumapon pa sa mukha ko.
"Bang!" Namilog ang mata ko nang may tumamang bala sa kanan kong braso.
Napadaing ako sa sakit na parang nauulol na aso.
Pinihit ko nang marahan ang ulo ko. Natunghayan ko si Jeramie na tinutukan ako ng kulay silver na baril. "Ayon kay Cynthia, ang makakapatay sa katulad mong taong lobo ka, ang baril na hawak ko ngayon!" Nagpaulan siya ng maraming bala. Ngunit agresibo ang mga galaw ko. Kumilos ako ng naaayon sa kakayahan ko sa pagiging lobo ko. Mas binilisan ko pa kahit may natamo akong pinsala sa aking balikat. Hindi ako makakapayag na tamaan ako sa dibdib.
Hinagip ko ang ulo ni Jeramie, pagkatapos ay pinugot ko iyon ng walang kahirap-hirap.
"Itigil mo na 'to, 'Lex." Umiiyak si Angel na sumulpot sa likuran ko.
"Sumama ka sa 'kin kung ayaw mo, pati ang mga magulang mo, pupugutan ko ng ulo kagaya nito." Ipinakita ko kay Angel ang ulo ni Jeramie. Dilat na dilat iyon at larawan ng pagkasindak.
"Oo na, sasama na ako sa 'yo."
---
Inamoy-amoy ko ang buhok ni Angel habang siya ay nawalan ng malay. Nadulas kasi ito sa baldosang sahig sa malapot na dugo ni Cynthia kaya nabagok ang ulo nito't tinakasan ng ulirat.
"Hindi talaga nakakasawang amoyin ang buhok mo," sabi ko sa paos na boses.
Inilapag ko ang katawan ni Angel katabi ng walang buhay na katawan ni Hanna. Kinumpirma ko pa iyong batok nito kung may balat ito na kulay abo na may buhok. Tama naman ako. Si Angel nga ang itinakda para sa muling pagkabuhay ni Hanna upang maging imortal.
Binuhat ko na ang babae at handa ko ng kitilin ang buhay nito gamit ang matatalim kong kuko. Ngunit nanginginig ang mabalbon kong kamay. Hindi ko iyon matuloy. Tila, nabihag na ang puso ko ng dalagang ito. Mas napamahal na ako kay Angel.
Nagdadalawang-isip na inilapag ko si Angel sa isang tabi. Napaalulong ako sa gulo ng utak ko ngayon.
Tumigil ako sa pag-alulong nang magkaroon ng malay si Angel. Dahil doon, kaagad siyang nahintakutan. "'L-Lex, ano bang pakay mo sa akin?"
Pumorma akong parang papaslang. "Patawarin mo ako, Angel. Gagawin ko ito para sa mahal ko..."
"'Lex, nararamdaman kong mahal mo ako, 'wag mo itong gawin sa akin."
"Patawad..."
"'Wag!" Kinalmot ko si Angel subalit napansalag niya ang braso. Nawisikan ako ng dugo niya kaya bahagya akong nahilam.
Hirap kong hinanap si Angel at pinupuntirya ko ang kaniyang dibdib. Matagumpay akong nasusugatan siya ngunit 'di pa rin akong nakakasiguradong napatay ko siya.
Nang makabalik na ang normal kong madugong mata, biglang naglaho si Angel. Hinanap ko siya kaya nilibot ko ang buong paligid.
Bumalikwas ako ng lingon nang marinig ko si Angel sa aking likuran. "Meso is ta!" May binanggit itong kung ano dahilan upang tumilapon ako, saka mabigat na bumalandra ang likuran ko sa matigas na pader.
Napaigik ako sa sobrang sakit. "Awoooo!" Padapa akong bumagsak ngunit nagbanggit na naman ito nang 'di ko maintindihang lengguwahe kaya umangat ako sa ere.
Umangil ako na ikinagalaiti ko ng husto. "Anong klaseng mortal ka?!"
Nag-arko siya ng kaliwang kilay at nakakalokong ngumisi. "Gusto mong malaman?" kaswal niyang tanong na nananatili pa rin ang mapang-uyam na ngiti.
"Ibaba mo ako!"
"Sige." Ipinagsalikop niya ang mga braso at malakas na sinabing, "Mirte 'ylde!" Bigla akong pumaitaas, kasabay niyon ay mabilis akong bumulusok paibaba na ikinakawag ng aking katawan pagbagsak sa lupa. Napaalulong na naman ako sa sakit.
"S-sino ka ba talaga?!" Sa pagitan ng aking pagdaing.
Kahit iniinda ang natamo ko sa bahagi ng aking kakaibang katawan. Pinilit kong tumayo ngunit kaagad din akong bumagsak sa panghihina.
Inangat ko na lang siya ng tingin. Ang tingin ng tila may gagawing karumal-dumal na balak sa akin. "Kilalang-kilala kita, Alex." Nanlaki ang mata niya at lumapad ang nakakikilabot nitong ngiti. Pero hindi iyon ang nagpagimbal sa akin kung 'di ang bulto ng pamilyar na tao sa likuran ni Angel.
Si Hanna!
Nakalabas ang matatalim nitong pangil sa magkabilang dulo ng kaniyang ngipin. Magulo na rin ang buhok nito na sabog-sabog. Madilim din ang awra ng mukha nito. Animo'y sabik na sabik sa muli niyang pagkabuhay. Hayok na hayok sa dugo...
Pero paanong?
Iniisip ko na lang iyong pagtalsik ng dugo na nanggaling sa katawan ni Angel noong kinalmot, sinugatan ko siya kaya siguro nakatikim ito ng dugo ng itinakda para kay Hanna.
Pinagmasdan ko rin ang buong katawan ni Angel. Wala na iyong mga sugat na ipinagtaka ko. Naghilom na rin iyong pagkalmot ko sa kanyang braso.
Kakaiba nga siguro si Angel, may kakaiba itong kapangyarihan na 'di ko nalaman!
Naging mapait ang timpla ni Hanna na nasa likod ni Angel. Dumaluhong si Hanna sa kanya gamit ang matutulis na kuko. Hindi iyon inaasahan ni Angel kaya tumili siya sa pagkabigla.
"Kailangan mo nang mamatay upang maisakatupuran na ang pagiging imortal ko!" Madiin na tinuklap ng mga kuko ni Hanna ang leeg ni Angel. Nagdurugo iyon at kitang-kita ko ang natatanggal na balat sa leeg na kanyang laman.
Matinis na nagsusumigaw si Angel sa labis na sakit.
"Tumahimik ka!" Para matahimik, kaagad ding kinagat ni Hanna ang kaniyang leeg. Rinig ko ang pagsimsim nito nang maibaon na ang pangil nito doon.
Mas lalo lang naghuhumiyaw si Angel.
Pero may muli na naman itong pinakawalang mahika sa pagitan ng kaniyang paghiyaw. "Testu limbre!!!" Saka niya hinawakan ang ulo ni Hanna na abalang inuubos ang dugo sa kanyang katawan.
Nabigla si Hanna nang umangat siya bigla at malakas na tumama sa kisame. Kasunod na bumagsak sa sahig, pagkatapos ay bigla ulit tumaas at bumalandra sa kisame, 'tapos ay bumagsak ulit sa sahig!
Paulit-ulit hangga't hindi nalalamog nang tuluyan si Hanna.
Sa pagkakataong ito, mabilis kong niresponde si Hanna. "Mahal!" Sinalo ko siya ngunit nasama lang ako sa kapangyarihang sakop ni Angel. Walang nagawa ang kakayahan ng lakas ko sa pagiging taong lobo kumpara sa kakayahan ng taong itinakda para kay Hanna.
Tumawa nang tila mangkukulam si Angel. "Hi-hi-hi!" Kitang-kita ang 'pagkaputi ng kaniyang mga mata. "Kilalang-kilala kita, Alex, lalong-lalo na ang mga magulang mo!" Nagpakawala ulit ito ng nakakatakot na halakhak. "Ako ang nagsumpa sa iyo, Alex!"
Sandali pa, nagbago na ang anyo nito. Mula sa batang hitsura ni Angel, naging matanda ito. Naging isang matandang hukluban na nagpabago sa pagtingin ko sa dating Angel.
Ang nagugustuhan ko pala no'n, hindi isang dalagang Angel na nakilala ko, kundi isang matanda na nagsumpa sa akin kaya ako naging taong lobo.
"Tes istupito!" Mula sa itaas, bumagsak kaming dalawa ni Hanna sa lapag.
Grabe na ang pinsalang aming natatamo sa mangkukulam na si Angel. Naparalisa na kami ng todong dalawa. Pakiramdam ko, si Hanna, hindi na talaga gumagalaw pa.
"'Andito ako sa 'yong harapan, Alex upang isunod ka sa taksil mong mga magulang." Naguluhan ako sa sinabi nito kapagdaka'y nalinawan sa sumunod nitong pangungusap. "Pinagtaksilan nila ako noon palang kaya kita isinumpa. Niloko ako ng iyong ama. Pinagmalupitan ako ng iyong ina. Ginawang alipin! Kaya ako'y nagdurusa. Kaya kita isinumpa. Ngayon, muli akong nagbabalik. Gamit ang kapangyarihan na taglay ko sa pagiging mangkukulam, pinabata ko ang aking sarili. Nakilala ko si Cynthia, Rozabel at Jeramie. Ginamit ko sila upang mapalapit sa iyo. Pero wala akong kaide-ideya kaya gusto mong makipaglapit sa akin, para pala sa iyong kasintahang bampira. Ako ang itinakda para sa kanya. Ang papaslangin mo nang sa gayon maging ganap siyang imortal... Puwes, hindi ako makakapayag na mangyari 'yan. Lahat kayo, niloko n'yo lang ako. Niloko n'yo lang ako!!!"
Biglang niyanig ang buong paligid. Kasabay niyon ang mga pambihirang mahikang lumalabas sa kanyang bibig... ang tuluyang papaslang sa aming dalawa ni Hanna.
Kung gaano kagalit ito para sa aking mga magulang, ganoon din katindi ang kapangyarihang ipinamalas nito sa amin. Ganito ang pamamaraan ng kaniyang paghihiganti!
Umangat kami sa ere ni Hanna.
Bago kami tuluyang maglahong dalawa sa mundo, tinitigan ko muna si Hanna at muling sinambit sa walang buhay nitong hitsura... "Heto na, mahal, ang ating ipinangako sa isa't isa. Hanggang sa ating huling hininga, tayo ay magkakasama..."
Iyon lang at may sinambit itong orasyon bago humiwalay ang ulo sa aming katawan. "Deshiyu desideru!"
Wakas...